7 bodies recovered after boat capsizes in Palawan

Posted at Jun 14 2012 11:22 PM | Updated as of Jun 15 2012 01:19 PM

Sa ngayon, wala pa silang itinatakdang deadline kung hanggang kailan nila hahanapin 'yung tatlo pang nawawalang pasahero ng MV Josille 2.

Kanina, muling inikot ng Philippine Coast Guard ang mga isla sa El Nido sa pagbabakasaling may matatagpuan sila. Binalikan din nila ang isla kung saan sumalpok ang barko at nagulat sa kanilang nadatnan.

Hindi inaasahan na kahit sa paraiso, mangyayari ang trahedya.

Pero ito ang sasalubong ngayon sa mga pumupunta sa El Nido.

Sa gitna ng mga isla, matatagpuan ang BRP Romblon, ang barkong ipinadala ng Philippine Coast Guard para tumulong sa search and rescue operation.

Dala nito ang pag-asang mahahanap pa ang tatlong nawawalang pasahero matapos lumubog ang MV Josille 2 noong Martes ng gabi sa kasagsagan ng malakas na ulan.

Limampu't isa na ang nailigtas.

Pitong bangkay naman ang narekober.

Pinakahuli rito ang isang babae na nakita sa El Nido.

Hindi rin daw biro ang kanilang ginagawang paghahanap.

“Napakahirap talaga. Halos bumagsak din ‘yung mga tao sa lalaki ng alon, mga gamit namin dito nagbabaksakan ‘yan. Siyempre kailangan din namin mag-ingat,” sabi ni Commander Reynaldo Pabico ng BRP Romblon.

Kanina, sakay ng mga rubber boat, nag-ikot muli ang mga taga-Coast Guard.

Pero tanging mga bakas na lang ng nasirang barko ang nakikitang palutang-lutang at mga barko ng Philippine Navy na naghahanap din ang tanging masasalubong.

Binalak nilang balikan ang Tent Island kung saan sumalpok ang barko.

Makikita ninyo doon sa likod ‘yung Tent Island, ‘yun nga lang ang hirap marating kasi ang lakas ng hampas ng mga alon ngayon dito kaya ‘yung mga rubber boat, walang laban.

Matapos ang may higit dalawang oras, narating din ang Tent Island, isang maliit na isla na hindi malapitan dahil mabato at maalon ang paligid.

Pero mula sa rubber boat, tanaw na ang mga naiwang life jacket ng mga nailigtas na pasahero.

Pati na rin ang mga plywood na ginawa nilang masisilungan.

Naroon din ang mga nawasak na bahagi ng MV Josille 2 at ang nangangamoy na dose-dosenang kalabaw na sakay ng barko nang maaksidente.

Nakatali sa isa't isa ang mga kalabaw at wala nang buhay -- mga hindi magandang senyales. Pero naniniwala pa rin ang Coast Guard na may matatagpuan pa silang buhay na pasahero.

“Hoping talaga na mayroon pa kasi kung kahapon pa lang, marami namang isla baka nandito lang sa isla,”

Bukas, susubukan uling mag-ikot ng search and rescue team.