37 fishermen missing in Sarangani

Posted at Jun 14 2012 09:46 PM | Updated as of Jun 15 2012 05:46 AM

Hindi makapaniwala si Mang Reynald na buhay pa siya matapos magpalutang-lutang sa dagat ng halos tatlong araw.

Naiyak siya nang muling makaapak sa lupa.

Dahil sa nangyari, nagdadalawang-isip na si Mang Reynald na bumalik sa laot.

Isa lang si Mang Reynald sa 37 na mangingisdang nailigtas matapos na mawala sa laot dahil sa masungit na panahon.

Pinaghahanap naman ang 37 pang mangingisda.

Kuwento naman ni Mang Desiderio, kalmado ang dagat noong pumalaot sila pero bigla na lang silang hinambalos ng malalakas na alon.

Labis ang pasasalamat ni Mang Desiderio dahil nailigtas sila.

Samantala, idineklara na ang state of calamity sa 12 coastal barangay sa Maasim dahil sa dami ng nawawalang mangingisda.

Sa Glan, Sarangani naman ay nagkakasakit na ang mga bata matapos ang matinding pagbaha roon kamakailan.

Ang anak ni Aling Amy balisa at umiiyak. Kaninang umaga lang daw nang nagsimulang magtae ang anak ni Amy na si Jerson.

Ang batang si Arseli naman, tandang-tanda pa ang naranasan nang bahain sila.

Sabi ni Arseli nakainom siya ng tubig baha at sumasakit na ang kanyang ulo.

Kinukulang naman ang suplay ng pagkain at gamot ngayon.

“Umaasa kami sa ating pamahalaan na sana po ay bigyan ng aksyon ang mga naapektuhan sa ganitong sitwasyon na baha,” sabi ni Romeo Sanchez, kapitan ng Barangay Cross sa Glan, Sarangani.

Ayon kay kapitan, kulang ang pondo ng barangay. Nangako naman ng tulong ang kanilang mayor.

“Nagbigay kami ng mga pagkain kanina. Sabi nila ‘Mayor binigyan niyo kami ng bigas at ulam. Ang problema namin wala kaming paglulutuan nito.’ Iyon ang plan ko naman ngayon pag-uwi ko, na mag-purchase ng mga kitchen utensils,” sabi ni Victor James Yap Sr., mayor ng Glan, Sarangani.

Sa limang barangay na binaha, ang Barangay Cross ang pinakamatinding sinalanta.

Humihingi ng saklolo ang mga apektadong residente rito sa Barangay Cross.

Ang barangay gym na ito, nagsisilbing bagsakan ng tulong.

Nangangamba naman ang mga residente na baka lumala pa ang kanilang kondisyon at mas marami pang magkakasakit. Jay Dayupay, Patrol ng Pilipino, Glan, Sarangani