Ship sinks off Palawan, 5 dead

Posted at Jun 13 2012 09:41 PM | Updated as of Jun 14 2012 05:20 PM

Ayon sa Philippine Coast Guard, sa ngayon ay wala nang nawawala mula sa lumubog na MV Josille 2 kung ang pagbabatayan ay ang passenger manifesto.

Pero hindi ibig sabihin na matatapos na ang search and rescue operation dahil may mga pasahero ang barko na hindi nakasulat sa manifesto.

Forty-six lang ang nasa manifesto gayong 59 na ang kumpirmadong sakay ng MV Josille 2.

Ibig sabihin nito, posibleng magkaroon pa ng missing passengers kung may maghahanap na mga kaanak.

Kuwento ng Coast Guard, biyaheng Maynila ang MV Josille 2 galing Limangcong, Palawan at may stopover sana sa El Nido at Coron.

Kaya lang, posibleng sumadsad ito sa bahura o reef malapit sa El Nido, Palawan bandang alas-11 kagabi kaya lumubog ang barko.

Marami sa mga na-rescue ang nasa Tent Island, El Nido ngayon, pero posible na ring dalhin sa mainland Palawan mamaya o bukas.

“’Yung initial report na nakuha natin ay nabahura ito at pagkatapos ay hinampas ng alon,” sabi ni Lt. Commander Armand Balilo, spokesman ng Coast Guard.