Suspected "double dead" fish seized in Pangasinan

Posted at May 31 2011 10:57 PM | Updated as of Jun 01 2011 06:57 AM

Isang trak na may kargang tinatayang isang toneladang bangus na hinihinalang galing sa fishkill ang hinarang sa Dagupan City, Pangasinan.

Ayon sa City Agriculture Office, malamang ipupuslit ito sa bagsakan ng isda sa lungsod.

Nang inspeksyunin ang mga isda, puti na ang hasang ng mga ito, masyadong malambot ang laman at may masangsang na amoy. Mura rin ang benta rito.

“Sa initial findings namin hindi na talaga siya fit for human consumption. Kaysa magdulot pa ito ng mas masamang epekto sa mga pakain...” sabi ni Emma Molina, agriculturist sa Dagupan.

Tumangging humarap sa kamera ang driver at pahinante ng trak.

Ililibing na lang ang mga bangus.

Una rito, tinatayang 50 toneladang bangus sa Anda, Pangasinan ang lumutang noong Linggo ng hapon matapos bumagsak ang dissolved oxygen dahil sa biglaang pag-ulan.

Tinatayang aabot sa P3 milyon ang pagkalugi.

“Iyan ay agap. ‘Yong buhay pa hinuhuli na... makakabawi sila konti ng kapital nila,” sabi ni Priscillano Onsaga, fishery extension worker sa Anda.

Kaya naman madaling araw pa lang ay nagkukumahog na ang ibang bangus growers sa Barangay Awag sa Anda, Pangasinan na anihin ang kanilang mga bangus kahit maliliit pa ang mga ito dahil sa takot sa fishkill.

Sampu hanggang P22 na lang kada kilo ang bangus.

Kaya si Aling Lilia nangangamba lalo't pang-enroll pa ng apo niya ang kikitain sa bangus.

Babala naman ng mga awtoridad sa mga mamimili, kilatising mabuti ang binibiling isda sa ngayon. Cris Zuñiga, Patrol ng Pilipino sa Dagupan