Maguindanao 'Balitandaan' dedicated to seeking justice for massacre victims

Posted at May 24 2012 10:56 PM | Updated as of May 25 2012 06:56 AM

Limampu't pitong batong-palatandaan, ito ang matatagpuang nakatirik ngayon sa lupa kung saan nangyari ang tinaguriang Maguindanao massacre.

Dalawa sa pangalan dito, sa mga anak ni Takungan.

Magtatatlong taon na pero mas lalo raw tumitindi ang sakit sa bawat araw na dumaraan, lalo't wala pa ring hustisyang nakakamit.

“Ang gusto namin ang kaso namin matapos na. Kawawa kami kung walang katapusan, paano na kami?” sabi ni Takungan.

Isa si Takungan sa mga kaanak ng mga biktima na nakiisa sa pagtayo ng ika-5 marker o “Balitandaan” ng TV Patrol dito sa Barangay Salman sa bayan ng Ampatuan.

Sumisimbolo ito ng patuloy na paghahanap ng hustisya at ang pagbangon ng mga pamilya ng mga biktima.

Pinasalamatan din ni ABS-CBN News and Current Affairs head Ging Reyes ang Bayan Patroller na unang nagpadala ng mga larawan ng massacre at nagbunyag sa nangyari.

“Kami po ay patuloy na nakikiramay sa inyo at patuloy kaming magiging kasama ninyo sa inyong paghahanap ng hustisya para sa mga namatay,” sabi ni Reyes.

Nakibahagi rin ang lokal na pamahalaan ng Maguindanao, mga pulis at military, at iba't ibang interfaith groups na nag-alay ng dasal para sa hustisya.

Naroon din ang mga lokal na miyembro ng media at ang mga reporter na sumabak sa coverage ng massacre.

“Hindi madali ang maging isang reporter. Pero hindi naging hadlang sa aming tungkulin na ilahad ‘yung katotohanan, kaakibat nito ang takot hindi para sa aming sarili, kung hindi para sa aming pamilya dahil taga-rito kami,” sabi ni ABS-CBN Cotabato news correspondent Lerio Bompat.

“’Yung lessons of history na natutunan po natin na hindi na maulit muli ang karumal-dumal na pangyayari,” sabi ni ABS-CBN broadcast journalist Ces Drilon.

“Patuloy namin kayong sasamahan sa paghahanap ng mga tanong sa mga sagot,” sabi naman ni ABS-CBN reporter Jorge Cariño.

Bukod sa marker, nag-iwan din ang TV Patrol ng pangako na itutuloy ang pagbabantay sa nangyayaring paglilitis.

Para sa mga dumalo rito, itong marker na ito ay hindi lamang pag-alala sa mga biktima ng Maguindanao massacre kung hindi pati rin ang patuloy na hinahahanap na hustisya ng mga naulila. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino, Maguindanao