SILIPIN: Bagong atraksyon sa Paoay Sand Dunes

ABS-CBN News

Posted at May 17 2016 09:29 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Bukod sa mga imahe ni Elsa ng pelikulang Himala at ni Flavio ng Panday, bagong atraksyon sa sand dunes ng Paoay, Ilocos Norte ang mga imahe mula sa pelikulang Temptation Island.

Parehong nag-shoot sa Paoay Sand Dunes ang Himala na pinagbidahan ni Nora Aunor at ang Panday ni Ferdinand Poe, Jr.

Kinikilala naman ng Temptation Island commemorative sculpture ang mga obra ni Joey Gosiengfiao. Ginawa ito ng theater designer na si Mitoy Sta. Ana.

Bumida ang iskultura sa ika-apat na Himala sa Buhangin Art and Music Festival na nilahukan ng daan-daang Ilokano at turista.

Pinangunahan ang pagdiriwang ng LGBT community na isinusulong ang paggalang at pagkakaisa ng lahat.

Nagbigay-saya rin sa okasyon ang mga bandang Parokya ni Edgar, Gloc-9 at iba pang lokal na talento.

Ang pagdiriwang ay bahagi ng kapistahan ng probinsya na alay sa Patron La Virgen Milagrosa dahil sa pagtulong para sa masaganang ani at pamumuhay ng mga residente

Isinagawa rin ang ang tradisyunal na pagsunog ng mga indigenous material bilang pagbibigay-daan ng mga ilokano sa darating na panahon ng pagtatanim.

Ang mahigit 80-kilometrong sand dunes ay sikat din sa iba't-ibang klase ng sports gaya ng 4x4 riding at sand boarding.

- Umagang Kay Ganda, 17 Abril 2016