2 killed, 17 hurt in Star Tollway road mishap

Posted at May 16 2012 11:47 PM | Updated as of May 17 2012 07:47 AM

Bumaligtad ang RORO bus na ito matapos mahulog sa malalim na bahagi ng kalsada sa Kilometer 87 ng Star Tollway sa bahagi ng San Jose, Batangas.

Agad namatay ang mag-inang Rita Mapacpac at Elijah Emmanuel Suege na pauwi sana sa Mindoro.

“Biglang nawala siya hindi ko alam saan napunta. Hinahanap ko nga sa loob ng bus pero hindi ko makita. Noong tumingin po ako sa daanan, nakita ko po ang amo ko at alaga ko,” sabi ni Foridel Ocampo, kasambahay ng mga nasawi.

Sugatan naman ang 17 pasahero at isinugod sa ospital.

Nagpapasalamat naman ang mag-iinang Dayanghirang dahil nakaligtas sila.

“Okay naman ako. Ang mahalaga buhay pa kami,” sabi ni Elenette Dayanghirang.

Karamihan sa mga pasahero ay natutulog nang maaksidente.

Sa imbestigasyon ng pulis, matapos bumaligtad sa gilid ng kalsada ang bus ay agad tumakas ang drayber na nagpanggap pa diumanong konduktor para hindi kuyugin.

“Nahingi ng tulong, kailangan daw ho niya ng sasakyan. Hinatid ko, isinakay ko sa owner. Tatawag daw siya sa bayan. Sabi niya sa akin konduktor daw siya. Sabi ko ‘Nasaan ang driver niyo?’ Sabi niya, 'Nandiyan.' Iyon pala siya na ang driver,” kuwento ni Sherwin Quizon, sumaklolo sa mga naaksidente.

“Sa tingin namin human error siguro iyan,” paliwanag ni SPO1 Nelson Flores.

Hiling naman ng mga biktima na sagutin ng kumpanya ng bus ang kanilang gastusin sa ospital.

Dahil tumakas ang driver, posibleng bumigat pa ang kasong kakaharapin nito na reckless imprudence resulting to double homicide and multiple physical injuries. Ernie Manio, Patrol ng Pilipino, San Jose, Batangas