Cell phone video shows teen in Bacolod City doc's murder

Posted at May 15 2012 09:04 PM | Updated as of May 16 2012 01:57 PM

Kitang-kita sa video ang paglagay ng 16 taon gulang na suspek ng kanyang cell phone sa isang bahagi ng kusina.

Ilang segundo ang nakalipas, inabangan ng suspek ang paglabas ni Doctor Andres Gumban Jr. mula sa gitnang pintuan.

Nang tumalikod sa kanya ang doktor para maghugas ng kamay sa lababo, agad na hinataw ng bato ng suspek ang doktor.

Nang matumba ang doktor, kanya itong pinagsasasaksak.

Pinagtulungan nila ng isa pang suspek na si Fof Pascual.

Nagsisigaw ang doktor na humihingi ng tulong habang kinakaladkad siya ng dalawa papasok ng banyo.

Ang isa sa kanila, tila balisa habang labas-masok sa isang kuwarto.

Nakalabas pa ng banyo ang doktor pero pinagtulungan ulit ng dalawang suspek na ikulong ito sa loob.

Nagawa pang maghugas ng paa sa lababo ng isang suspek.

Pagkatapos ay nagawa pang kunan ng menor de edad na suspek ang bangkay bago niya itinutok sa sarili ang cell phone sabay kindat at ngisi.

Limang minuto at 18 segundo ang nasabing video.

Isinumite na ito ng Bacolod Philippine National Police sa korte bilang ebidensiya laban sa dalawa.

Kinasuhan na sila ng robbery with homicide or murder sa City Prosecution Office.

Base sa imbestigasyon ng pulis, nasa Cadiz pa lang daw ang mga suspek ay balak na nilang patayin at nakawan si Doktor Gumban.

Una nang umamin ang 16 taong gulang na suspek na siya ang pumatay sa doktor.

Pero sa cellphone video ay dalawa ang pumatay sa biktima.

Naniniwala ang pulis na maaaring nakadroga ang dalawa.

Hindi na nagpa-interview ang mga suspek.

Nauna nang umamin ang mga suspek sa krimen matapos kuyugin ng mga kapitbahay ni Doktor Gumban.

Pero katwiran nila, nanlaban lang sila dahil tinangkang makipagtalik ng doktor sa menor de edad na suspek nang pasukin siya sa banyo at tutukan ng kutsilyo.

Doon na raw sila nagkagulo dahil nag-agawan sa patalim.

Ayon naman kay Pascual, nagsisisi siya sa nagawa.

Pero pinabulaanan niyang pinagnakawan ang biktima na nakilala nila sa Facebook.

Ito'y kahit nawawala ang kuwintas, relo, iPad at pera ng doktor na nagkakahalaga ng P50,000.

Sa ngayon, tumanggi ang abogado ng mga suspek na isailalim sa drug test ang dalawa. Barbara Mijares, Patrol ng Pilipino, Bacolod City