ABS-CBN News

2 kids abducted in Meycauayan

Posted at | Updated as of 05/09/12 6:39 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Mismong kapatid at pinsan ng dalawang batang nawawala ang nakakita sa insidente. Naglalaro ang dalawang bata sa labas ng kanilang bahay sa isang nakaparadang dyip nang tangayin sila ng isang babae.

Kaya nga nabulabog ang mga residente ng tahimik na subdivision na ito ng Saint Francis Village dito sa Meycauayan dahil sa nangyari.

Alas-4:30 ng hapon noong Sabado – naglalaro ang magkakapatid at magpipinsang Carpio na sina Alizon Riem, Mark Angelo, Amber, tatlong taong gulang, at apat na taong gulang na si Angieline. Bigla na lang, may sumampang babae at nakipag-usap sa kanila.

“Sumakay po siya sa dyip, sabi niya sa’kin hanapin ang susi, paandarin ang dyip,” sabi ni Alizon Riem.

Binigyan din daw sila ng damit at binihisan pa ng babae ang dalawang batang babaeng kapatid at pinsan niya.

“Sinuotan niya po sila ng damit, pati po ako,” ani pa ni Alizon Riem.

Tumakbo papauwi ng bahay si Alizon Riem para ipagmalaki sa ina ang damit.

“Sabi niya, ‘Mommy, tingnan mo ang damit ko oh, binigyan kami noong babae.’ Akala ko naman dito sa kapitbahay namin. Sabi ko tawagin mo kapatid, pauwin mo na,” pagsasalaysay ni Alma, ina ng isa sa mga biktima.

Pero nang balikan na ni Alizon Riem ang kapatid at pinsan, wala na ang mga ito pati ang babae.

“Pagbalik ko po, wala na sila sa dyip eh, nakita ko na lang nandoon ‘yung damit eh,” ani Alizon Riem.

Ang mga pinaghubarang damit na lang nina Amber at Angieline ang naiwan sa dyip.

“Doon na kami nataranta, nag-ikot-ikot kami. May nakapagsabi nga na akay-akay ang dalawang bata, nakatapak,” sabi ni Frances, ina ng isa sa mga biktima.

Naisalarawan ni Alizon Riem ang babae na may taas na 5’3”, may katabaan, kulot ang buhok, at maitim. May pilat sa kanang sentido.

Mula noon, wala na halos pahinga ang pamilya Carpio sa paghahanap sa dalawang bata sa buong Meycauayan hanggang Marilao, Bulacan.

Kahit ang mga kapitbahay tumutulong na rin sa paghahanap.

Isang testigo naman ang lumutang sa Meycauayan PNP. Ayon kay Regine Magallanes, nakita pa raw niya ang babae at ang dalawang bata ng mga oras na mawala ang mga ito.

Sa katabing subdibisyon lang daw siya nakatira at kumatok sa gate nila ang babae na nanghihingi ng damit, at pagkabigay daw niya, napansin niya pa ang dalawang bata na nakasunod lang sa babae.

“Tinanong ko siya, ‘Sino ba magsusuot ng damit?’ Sabi niya siya po raw. Masaya naman po sila. Naglakad nga po sila, naglalaru-laro pa po sila eh. May bitbit pa silang plastic. Hindi ko alam kung mga candy ba ‘yun,” sabi ni Regine.

Ayon sa Meycauayan PNP, malamang na hindi nila residente ang suspek.

“Hindi pa natin ma-establish na sindikato ito. Wala pa tayong basis para sabihin ito. Sa lumalabas sa pag-i-imbestiga natin, iisang tao lang ang kumuha,” sabi ni Hector Samar, hepe ng Meycauayan PNP.

Narito ang mga numerong maaaring tawagan kung sakaling may impormasyon sa kinaroroonan ng mga bata.

Pakiusap lang ng awtoridad na kung magbibigay ng impormasyon ang ating mga kababayan, sana raw ay ‘yung may katuturan at makakatulong talaga para matunton ang kinaroroonan ng suspek at ng mga bata. Maan Macapagal, Patrol ng Pilipino