TV Patrol erects 'Balitandaan' in Tacloban, Ormoc

Posted at May 02 2012 10:03 PM | Updated as of May 03 2012 06:03 AM

May kirot pa rin sa puso ni Odon Sabarre tuwing maaalala ang kanyang tatlong kapatid na kasama sa mahigit 4,000 namatay nang lumubog ang barkong MV Doña Paz noong December 20, 1987.

Laking panghihinayang niya dahil wala na si Tommy, ang kanyang kapatid na katuwang niya sa pagsasayaw.

At sa paglipas ng panahon…

"Nagkaroon ako ng trust sa Panginoon, sabi ko, baka may mga rason ang Panginoon kung bakit pinayagan niya na ganito ang mangyari,” sabi ni Odon.

Nakiisa si Sabarre, iba pang survivor at mga lokal na opisyal sa pagpapasinaya ng TV Patrol marker sa Tacloban bilang paggunita sa masaklap na trahedya at pagkilala sa pagbangon muli ng mga tao dito sa tinaguriang Asia's Titanic.

Si Sofronio Sabuco, nagtamo ng matinding paso sa mukha at katawan sa sunog na lumamon sa lumubog na barko. Ngayon, ganap na siyang nakabangon at ipinapagpatuloy ang buhay.

“May isang barko na dumaan galing sa Bacolod, Don Claudio – ‘yun ang sumagip sa amin,” sabi ni Sofronio.

“Ang sabi ng Sulipicio Lines, walang manifesto doon sa paglubog ng barko, ‘yun ang kanilang katwiran. Ang sabi ng iba, ‘Hindi, mayroong announcer na nakapagbasa ng manifesto.’ Ako ‘yun,” sabi ni Ted Failon.

“Dapat maging vigilant ho tayo, maging mapagbantay ho tayo, na kapag umaabuso na ang mga barko at ang nasa isip ay iyong kikitain lang nila, ay ireport na kaagad ho natin,” sabi naman ni Noli de Castro.

Nobyembre 5, taong 1991, nagimbal din ang lahat nang lamunin ng baha dala ng bagyong Uring ang Ormoc City.

At matapos rumagasa ang baha, ay naglutangan naman sa dagat ng Ormoc ang mga bangkay.

Umabot ng halos 8,000 ang namatay sa trahedya.

Si Teodulo, tinangay pati ang mga magulang, lola at tatlong kapatid. Anim na oras siyang nakipagbuno sa dagat hanggang maanod sa dalampasigan. Pero ang anim pa niyang kaanak, namatay na.

"Nakabangon na ako ngayon dahil sa pinagsikapan ko,” sabi ni Teodulo.

“With that tragedy, meron na tayong lesson na kailangan talaga pag-ingatan natin ‘yung kalikasan natin,” sabi ni Ormoc Mayor Eric Codilla.

Sinuportahan ng lokal na pamahalaan ng Ormoc ang paglalagay din ng TV Patrol marker.

At kasabay ng pagbangon, umaasa ang mga taga-Tacloban at Ormoc na hindi na mauulit ang trahedya na puwede sanang naiwasan. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino