EXCL: Fake job recruiter poses as mall employee

Posted at Apr 30 2012 10:06 PM | Updated as of May 01 2012 12:27 PM

Sumugod sa Batangas City Philippine National Police (PNP) ang 20 nabiktima umano ng illegal recruitment. Itinuturo nila ang suspek na si Joseph Cañada, na siyang nanloko sa kanila. Naaresto si Cañada habang nakikipagtransaksyon sa isa pang biktima sa Batangas City.

Ayon sa mga biktima, nagpakilalang empleyado sa Human Resource Department ng SM si Cañada at tutulungan silang maipasok sa trabaho. Pero may mga kailangan silang bayaran.

Ayon kay SPO3 Reynante de Chavez, officer-on-case ng Batangas City PNP, “Hinihingan niya ng pera para sa medical fee, at sa uniform ng SM.”

May ipinamimigay pang SM IDs at time card si Cañada sa mga recruit na puro naman peke. Pero nabuko si Cañada matapos makumpirma ng isa sa mga biktima na hindi naman pala siya empleyado ng SM.

“Umaasa ako na magkaroon ng magandang trabaho, pero hindi naman pala niya ginawa iyon. Sabi niya, kailangan magtiwala sa kanya,” sabi ni Mary Ann Fruelda, biktima ng illegal recruitment scam.

Inamin naman ni Cañada ang panloloko. Nagawa raw niya ito dahil biktima rin daw siya noon ng illegal recruiter. Kakasuhan siya ngayon ng large scale estafa.

“Nagawa ko po iyong bagay na iyon. [Biktima rin ako dati] kaya nagkaroon rin ako ng idea,” ani Cañada.

Nilinaw naman ng SM na wala silang tauhang naniningil kapalit ng trabaho. Sa HR Department din umano dapat iderekta ang mga aplikasyon. Carolyn Bonquin, Patrol ng Pilipino sa Batangas