Mga tanim na durian at kamatis, apektado na ng init

Posted at Apr 23 2015 04:37 PM | Updated as of Apr 24 2015 12:37 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

MANILA – Apektado na ng tindi ng init ang ilang mga tanim ng kamatis at durian sa Davao.

Pinagtatanggal na ng mga magsasaka ang mga puno ng kamatis sa Barangay Cadalian, Baguio District, Davao City.

Nabansot at nasira na kasi ang kanilang mga produkto dahil sa init ng panahon.

Ayon sa isang magsasaka, panahon na sana para anihin nila ang mga kamatis, at aabot daw sana sa mahigit P50,000 ang kanyang kikitain.

Apektado rin ang mga puno ng durian dahil natuyo na ang lupang pinagtataniman nito.

Nababahala ang mga magsasaka dahil kung magpapatuloy ang init, kukulang na ang suplay ng mga durian sa Kadayawan season.

Ayon sa City Agriculture Office, aabot na sa P2 bilyon ang halaga ng mga nasirang agricultural products dahil sa dry spell.

Sa Koronadal City, South Cotabato naman, nangangamba ang mga nagtatanim ng mga rosas at bulaklak lalo na't papalapit na ang Mother's Day dahil natutuyo ang kanilang pananim at ang iba ay hindi na namumulaklak dahil sa init ng panahon.

Hindi lang pananim kundi maging ang mga alagang hayop ay unti unti na ring namamatay.

Nagrereklamo na rin ang ilang mag-iitik dahil araw araw silang namamatayan.

Isinailalim na rin sa state of calamity ang dalawang barangay sa Koranadal, at posibleng ngayong linggo ay magdedeklara na rin ng state of calamity ang buong Koronadal City.

ABS-CBN Umagang Kay Ganda, 23 April 2015