EXCL: Batangas cops face kidnapping, extortion charges

Posted at Apr 23 2012 10:23 PM | Updated as of Apr 24 2012 06:23 AM

Nakakulong ngayon sa Camp Vicente Lim sa Canlubang, Laguna ang anim na pulis ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Batangas at dalawang sibilyan matapos silang hulihin ng mga kapwa pulis noong Biyernes.

Inireklamo sila ng estyudanteng si Maria Christina Rodriguez ng kidnapping at extortion.

Ayon naman sa isa sa mga nakulong na pulis na si SPO2 Apollo Marasigan, hindi totoo ang mga bintang sa kanila.

Inaresto raw nila si Rodriguez dahil kilala diumano itong sangkot sa gunrunning at illegal drug trafficking sa Batangas.

Kaya't masama ang loob nila nang puwersahang pasukin ng mga kapwa nila pulis na miyembro ng intelligence group mula Camp Crame at RSOG 4A ang kanilang opisina.

Hindi rin daw nila masikmura nang pinadapa sila at tutukan ng baril.

“Sana lumabas po ang totoong resulta ng imbestigasyong ito dahil ramdam po namin masyado po kaming naagrabyado sa nangyari,” sabi ni Marasigan.

Kinampihan naman sila ng hepe ng CIDG Region 4A.

“Base sa mga sinabmit nila sa amin na mga report at sa pagtatanong ko sa kanila, lumalabas na ang kanilang operation ay legit,” sabi ni Senior Supt. Bernabe Balba.

Dahil dito, tuloy pa rin ang kaso laban kay Rodriguez.

Samantala, bukod sa kulong ay sinibak na rin sa serbisyo ang anim na pulis kasama ang hepe ng CIDG Batangas na si Chief Insp. Jay Agcaoili.

Kinasuhan din sila ng kidnapping, robbery, extortion at arbitrary detention.

Nauna nang ipinag-utos ni Philippine National Police Chief Nicanor Bartolome na kasuhan ang mga pulis ng kriminal at administratibo dahil sa isyu. Alex Santos, Patrol ng Pilipino