Man kills ex-wife in front of their child in Pampanga

Posted at Apr 18 2012 09:48 PM | Updated as of Apr 19 2012 05:48 AM

Bumuhos ang emosyon ng mga kaanak nang isa-isang ilabas ang bangkay ng live-in partners na sina Girlie Chavit at Ernesto del Rosario Briones.

Inabutan ang dalawa na wala ng buhay matapos barilin sa loob ng kanilang bahay sa Angeles City.

Pitong buwang buntis si Girlie pero ang lalong ikinagalit ng mga kaanak ng mga biktima ay nang malamang ang suspek sa pamamaril ay ang dating asawa ni Girlie na si Bernie Chavit.

Mismong anak nila ang nakakita diumano sa nangyari.

“Si Mama binaril ni Papa Bernie,” sabi ni CJ, anak ng biktima.

“Sumuko ka na lang, huwag ka na magtago,” sabi ni Moises Gumamit, tiyuhin ng biktima.

“Ngayon po ang mga tropa natin nasa labas at nagfo-follow up at nagho-hot pursuit operation sila and hopefully makuha natin ang suspect,” sabi ni Chief Insp. Onnil dela Peña ng Angeles City PNP Station 2.

Narekober sa crime scene ang isang deformed na bala ng 9-mm na baril.

Tinangay pa diumano ng suspek ang wallet ng dating asawa at ginamit naman sa pagtakas ang motorsiklong nakaparada sa bahay.

Naka-log din sa security ng subdibisyon ang pagpasok at paglabas ng suspek na tumagal lang ng kalahating oras.

Dating kolumnista sa isang peryodiko sa Pampanga si Chavit habang empleyado naman ng Angeles City Hall si Girlie.

Matagal na ring hindi nagsasama ang dalawa ayon sa mga kaanak kaya naman laking gulat nila na hahantong sa kamatayan ang muli nilang pagkikita.

Patuloy na tinutugis ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong double murder. Gracie Rutao, Patrol ng Pilipino sa Pampanga