ABS-CBN News

8-hour brownouts expected in Zamboanga

Posted at | Updated as of 04/19/12 10:12 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Kung dati'y nasa apat na oras lang ang brownout sa Zamboanga City, umaabot na ito ngayon ng hanggang walong oras, apat na oras sa umaga, apat na oras sa hapon hanggang gabi.

Sinimulan na kasi ang maintenance shutdown ng Pulangi hydropower plant kaya nawala ang hanggang 150 megawatts na supply ng kuryente.

"We see a little bit more of shortage,” sabi ni Energy Secretary Jose Rene Almendras.

“Nagpalala siya pero minimal, minimal epekto niya, hindi ganoon kalaki pero nagpalala,” sabi naman ni Sergio Dagooc, presidente ng Association of Mindanao Rural Electric Cooperatives.

Kinumpirma ng National Grid Corporation (NGCP) na pumasok na rin kasi ang suplay mula sa power barge ng pamilya Aboitiz, kaya kahit papaano, may pumalit sa nawalang kuryente galing sa hydropower plant.

Sa kuwenta ng NGCP, mahigit 200 megawatts pa rin ang kakapusan ng kuryente sa Mindanao.

“’Yung nawala sa grid na 100, 200 megawatts na galing sa Pulangi, mananatili ‘yan hanggang maibalik ng Napocor ‘yung supply na ‘yan,” sabi ni Atty. Cynthia Alabanza, tagapagsalita ng NGCP.

Bumuwelta naman si Energy Secretary Jose Rene Almendras sa akusasyong may sabwatan ang gobyerno at may-ari ng barge na nagsu-suplay ng mas mahal na kuryente sa Mindanao.

Dating opisyal si Almendras ng kumpanyang Aboitiz na may-ari ng Therma Marine barge.

“Wala po kaming pumapaboran at kahit sino kaya ko harapin, wala pong special favors ito. It just so happened na sila ang nandoon at sila ang may kakayahan,” sabi ni Almendras.

Pinaiimbestigahan na ni Almendras kung bakit umabot ng mahigit P1.50 kada kilowatt-hour ang dagdag-singil sa ilang kooperatiba gayong nasa P0.50 hanggang P0.80 kada kilowatt-hour lang dapat ang average na dagdag-bayad dahil sa mas mahal na kuryente. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino