ABS-CBN News

Baler fisherfolk set sail amid debris warning

Posted at | Updated as of 04/13/12 7:30 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Alam naman daw ng mga mangingisda ang mga babala na posibleng bumagsak ang debris ng North Korean rocket sa may karagatan dito.

Pero ano pa raw ba ang magagawa kung sila raw ang inaasahan ng kanilang mga pamilya na mag-uuwi ng hapunan sa hapag-kainan.

Unang patak pa lang ng liwanag, pumalaot kanina ang mga mangingisda ng Sabang sa Baler, Aurora, sa pag-asang may magandang huli.

Ito'y sa kabila ng babala ng lokal na pamahalaan na posibleng bumagsak sa karagatan ng Pilipinas ang debris na iiwan ng rocket na paliliparin ng North Korea anumang araw simula ngayon hanggang sa April 16.

Sumunod dito ang mga kawani ng lokal na pamahalaan, pinagsabihan ulit ang mga mangingisda at pinabalik sa pampang.

Habang pinapanood na nagsisibalikan ang mga kasama, napapaisip daw ang mangingisdang si Chito kung gaano kalaki ang mawawala sa kanila sa mga susunod na araw.

“Mahirap magbakasakali kaya lang sayang ‘yung araw namin. Diyan kami umaasa sa dagat,” sabi ni Chito.

Giit naman ng lokal na pamahalaan, kaligtasan ang pangunahing nasa isip dapat ng mga mangingisda.

“Ang problema natin, wala pong nakakapagsabi kung talagang dito babagsak, mas mahirap naman kung buhay natin ang mawawala,” sabi ni Engineer Elson Egarge ng Aurora PDRRMO.

Pero para sa iba tulad ni Marilou, mahirap daw isipin ang banta kung kumakalam naman ang sikmura.

Iniwan muna niya ang pitong anak sa bahay at dumayo sa may pampang matapos marinig na may irarasyong relief goods ang lokal na pamahalaan.

“Sabi nila may nagbibigay daw ng rasyon kaya nagbasakali po ako na baka nga mayroong rasyon para may masaing naman. Eh wala pala,” sabi ni Marilou.

Dahil hindi makapalaot ang asawa, P20 na halaga ng dilis lang ang kanyang binili na pagkakasyahin sa kanyang pamilya.

Bukas, muling magpapatrulya ang mga awtoridad para tiyaking wala na ulit magtatangkang lumaot sa ikalawang araw ng posibleng paglulunsad ng rocket ng North Korea.

Marami sa ating kababayan dito ang umaasa na mabibigyan ng ayuda ng local na pamahalaan.

Nakausap natin ang lokal na pamahalaan kung magbibigay nga ba ng relief goods at sabi nila ay pinag-aaralan pa nila ito, lalo’t wala pa namang disaster ang nangyayari.