SM expansion sparks outrage among tree activists

Posted at Apr 10 2012 10:48 PM | Updated as of Apr 11 2012 01:27 PM

Tinangkang pigilan ng mga environmental activist ang pagsisimula ng expansion ng SM sa Baguio. Ito'y para maisalba ang halos 200 puno na namemeligrong putulin. Nambato ang mga raliyista nang hindi sila pinakinggan. Exclusive, nagpa-Patrol, Maira Wallis. TV Patrol, Abril 10, 2012, Martes

Hatinggabi nang mapansin ang paghuhukay sa Luneta Hill kung saan itatayo ang 7-storey parking building ng SM.

Sumugod ang mga bumubuo ng Project Save 182 para pigilan ang paglipat at pagputol ng 182 puno sa lote.

Pero nang hindi pinakinggan, pinagbabato nila ang mga bakod na yero.

Tinakpan ng mga trabahador ng tolda ang bakod at pinatay ang ilaw. Pati mga palapag ng mall, binalot din ng tolda para hindi makita ng publiko ang nangyayari sa Luneta Hill.

Kaya kaninang umaga, itinuloy ng galit na environmental groups at ibang sektor ang protesta.

“Itigil ang pagputol sa puno alang-alang sa mga tao na mahal ng Diyos,” sabi ni Sister Mercedes Nicolas.

Hinakayat ding bumusina para makiisa. Pero tinapatan sila ng malakas na sound system ng mall.

Binarikadahan ang public road sa harapan ng mall.

Pati pulis, nagbantay para hindi magpang-abot ang magkabilang panig.

“Obviously, on the part of SM, that is part of their plan,” ani Dr. Michael Bengwayan.

Ikinagulat ng lokal na pamahalaan ang pagsisimula ng paglilipat sa mga puno sa Luneta Hill lalo't hindi pa inaaprubahan ng konseho ang pagbuo ng grupong magmo-monitor sa proyekto.

Naglabas na rin ang korte ng Temporary Environmental Protection Order para pigilan ang proyekto.

“They are fooling us. Now you can see their true colors, their real intention. They’re going to push their projects whether we like it or not,” sabi ni Atty. Cris Donaal.

Pero giit ng SM, nakipag-ugnayan na sila sa DENR at iba pang eksperto para tiyaking hindi mapeperwisyo ang mga ililipat na puno. Magtatanim din sila ng 50,000 libong puno bilang bahagi ng re-greening program ng lungsod.

Tutol ang mga residente sa proyekto lalo't ang Luneta Hill na lang ang natitirang "green zone" sa binansagang Central Business District ng lungsod. Maira Wallis, Patrol ng Pilipino, Baguio City.