Travelers reminded to do Lenten reflection

Posted at Apr 04 2012 10:41 PM | Updated as of Apr 05 2012 10:54 AM

Alas-8 ng umaga pa lamang kanina ay bumuhos na ang mga pasahero sa NAIA Terminal 3.

Mula sa labas ng airport hanggang sa loob, mahabang pila na ang sasalubong sa mga pasahero para sa security at check-in counters.

Ang college student na si Jed, nagbabakasakali na maging chance passenger dahil fully-booked na ang lahat ng biyahe pa-Aklan.

Ayon sa airline, fully-booked na ang kanilang mga flights pero kapag may hindi sumipot na pasahero o mga male-late sa check-in ay maaari siyang makabiyahe.

“Na-late ako sa pag-book kasi busy din ako sa finals,” sabi ni Jed.

‘Yun nga lang, hindi pinalad si Jed na makabiyahe.

Ang pamilya Policarpio naman, Enero pa lang ay nakaplano na ang bakasyon ng pamilya sa Boracay.

“Ahead of time, nagsabi na kami sa office na magbabakasyon kami,” sabi ni Don Policarpio.

Pero kahit bakasyon ang pakay ay hindi pa rin daw nila kinakalimutan ang tunay na kahulugan ng Kuwaresma.

“Magsisimba kami sa Sunday, naka-schedule na ‘yan sa itinerary namin,” sabi ni Don.

At dahil Semana Santa, isang misa ang isinagawa sa loob ng terminal.

Pinaalalahanan naman ng pari ang mga bibiyahe na kahit bakasyon at panay kasiyahan ang kanilang pupuntahan ay huwag pa ring kalimutan ang pagninilay-nilay.

Dapat daw ay alalahanin ang mga paghihirap at pagkamatay ng Panginoon para maisalba ang sangkatauhan.

“Kahit na nandoon sila ay gayunpaman magkaroon sila ng pagkakataon na pagnilayin ang passion and death of our Lord,” sabi ni Father Noel Morales.

Ayon sa MIAA, hanggang bukas daw nila inaasahan ang buhos ng mga pasahero at mababawasan ito sa Biyernes at Sabado.

Pero pagdating naman ng Lunes at Martes ay muling bubuhos ang mga pasahero pabalik ng Maynila. Gretchen Malalad, Patrol ng Pilipino.