Road repairs seen snarling northbound traffic

Posted at Apr 04 2012 10:25 PM | Updated as of Apr 05 2012 06:25 AM

Sa ngayon nananatiling maluwag pa ang NLEx at SCTEx, pero magiging masikip naman ang daloy pagdating sa daan papuntang Ilocos region dahil sa mga ginagawang kalsada.

Bahagyang umakyat ang dami ng mga sasakyang dumadaan sa NLEx.

Kung noong Lunes ay nasa 170,000 sasakyan ang naitala, tinatayang aakyat ito sa 200,000 mula ngayon hanggang bukas.

Para maiwasan namang maipit sa mga toll plaza, dadagdagan pa ang mga ambulant tellers habang magkakaroon ng isang lane para sa mga papuntang Tarlac, Dau at Tipo-Tipo mula Balintawak sa mga Class 1 vehicles.

“Starting at 2 p.m. hanggang alas-5 ng hapon bukas bubuksan namin ‘yung tinatawag na express lanes,” sabi ni Bobby Bontia, vice president for toll operations.

Kanina may ilang sasakyan naman ang nasiraan.

Sa inspekyon ng Toll Regulatory Board sa NLEx, nakahanda na ang mga ambulansya, rescue units, libreng pa-check up ng sasakyan, portalet at pati mga extrang baterya ng kotse, kung sakaling kakailanganin.

Pagkatapos ng Mahal na Araw, pag-aaralan daw nila ang mga nakabinbing mosyon para itaas ang toll mula 7 hanggang 18% sa SCTEx, Coastal Road sa Cavite at Batangas Star Tollway.

Kasama raw sa konsultasyon ang pagtaas ng presyo ng langis at pamasahe sa jeep.

“Ang lahat kasi ng factors na ‘yun ay importante sa pagde-determina kung ito ay resonable o hindi,” sabi ni Edmundo Reyes, executive director ng Toll Regulatory Board.

Nagbigay naman ng abiso ang DPWH para sa mga bi-biyahe.

Sa Pampanga, inaayos pa ang flyover ng San Fernando pero may ginawang traffic rerouting ang lokal na pamahalaan.

Sa Nueva Ecija papuntang Nueva Vizcaya, inaayos ang Daang Maharlika bukod pa sa nasirang tanker doon.

Sa mga pupunta sa Manaoag, Pangasinan, traffic sa ginagawang road improvement sa Binalonan, Urdaneta at Villasis.

Para sa mga bibisita sa Baguio at Agoo sa La Union, may mga road repair mula Rosario hanggang Balaoan.

Sa Ilocos Sur naman, siyam na bayan ang may mga ginagawang mga kalye.

At sa Ilocos Norte na may mga road repair din mula Batac hanggang Pagudpud.