3 crucified in Pampanga ahead of Good Friday

Posted at Apr 04 2012 10:31 PM | Updated as of Apr 05 2012 10:54 AM

Bagamat Miyerkules Santo pa lamang, ilang namamanata sa Porac, Pampanga ang nagpapako na sa krus. At live mula Pampanga, nagpa-Patrol si Gracie Rutao. TV Patrol, Abril 4, 2012, Miyerkules

Sampung taon na ang tradisyon sa Porac, Pampanga. At ngayong araw, tatlo agad ang nagpapako. Ito’y bahagi ng kanilang panata tuwing Semana Santa. Dinagsa naman ito ng mga manonood.

Sa bayan ng Porac, isang maagang senakulo ang natunghayan ngayong hapon.

Tila pagtatanghal sa entablado ang nangyari. May nagpanggap na mga Hudyo at ipinrusisyon ang tatlong lalaki habang pasan ang mga krus.

Pagdating sa Barangay Manibaug, tumigil ang prusisyon at sinimulan ang pagpapapako.

Pinili ng mga taga-Porac ang maagang pagpapapako para mas ramdam umano ang pamamanata.

"Imulat sa isipan nila kung paano ‘yung dinanas ni Kristo noong siya’y pahirapan, para maliwagan ‘yung iba,” ani Remigio Sison, tagapamahala ng senakulo.

Tradisyon na rito sa Pampanga ang ganitong mga eksena. Ang mga kabataan, maagang namumulat sa pamamanata.

"Para lang po maligtas sa kasalanan natin,” sabi ni Nicole Singian, isang residente ng Tarlac.

Sa Biyernes Santo sa Cutud sa San Fernando naman inaasahang dadagsa ang mga turista para tunghayan ang tradisyon ding pagpapapako sa krus ng mga namamanata.

Kaya ngayon pa lang hinigpitan na ang seguridad. Inihanda na ang barikada sa burol na pagdarausan nito.

Tinatayang mahigit 20 rin ang magpapapako roon. Pero hindi rin pahuhuli sa tradisyon ang mga barangay ng San Juan, Santa Lucia at sa Angeles City kung saan kasado na rin ang traffic rerouting.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng mga Kabalen ang mariing pagtutol ng simbahan sa pagpapapako, pero giit nila, handa nilang panindigan at itaguyod pa rin ang nakagisnang tradisyon. Gracie Rutao, Patrol ng Pilipino