Girl on 'butanding' apologizes

Posted at Apr 03 2012 10:05 PM | Updated as of Apr 04 2012 06:05 AM

Inamin ni Carelle Listones, ang babaeng pumatong sa ibabaw ng butanding at nagpa-picture sa Boljoon, Cebu na nagkamali siya sa kanyang nagawa.

“Sorry talaga kung nagawa ko iyon. Hindi ko kasi alam ang policy kung puwede bang sakyan o hawakan,” sabi ni Carelle.

Hindi na halos lumalabas ng bahay si Carelle matapos umani ng matinding pagbatikos sa mga social networking sites.

“Nasaktan talaga ako sa kanilang mga comment. Hindi maganda ang kanilang mga komento,” sabi ni Carelle.

Nanawagan ang Department of Tourism (DOT) Region 7 na itigil na ang pagkundena kay Carelle at iwasan ang pag-post ng mga masasakit na komento sa Facebook.

Mas mainam anila kung tuturuan na lamang ang mga tulad ni Carelle sa tamang pangangalaga sa mga butanding.

“Naaksyonan na naman and we are doing something about it,” sabi ni Director Rowena Montecillo ng DOT-7.

Ikinaalarma naman ng World Wildlife Fund (WWF) at ilang turista ang sunud-sunod na mga ulat ng maling pagtrato sa butanding.

“Sobrang stress, lalo na ‘yung tinatayuan sa likod, kasi ‘yung mga butanding wala silang bones sa katawan nila. ‘Yung sariling katawan hindi nila kayang i-support, how much more kung may nakatayong tao,” sabi ni David David, researcher ng WWF.

Sisimulan naman ang isang information drive ng BFAR at DOT sa mga coastal barangays na bahagi sa migratory route ng mga butanding sa Cebu. Reno Tallada, Patrol ng Pilipino