200K tourists flock Baguio City

Posted at Apr 03 2012 10:45 PM | Updated as of Apr 04 2012 09:44 AM

Inaasahang 300,000 hanggang 400,000 ang aakyat sa summer capital ng bansa ngayong Semana Santa. Kaya naman ngayon pa lang, buhay na buhay ang turismo at negosyo sa Baguio City. Live doon, nagpa-Patrol si Maira Wallis. TV Patrol, Abril 3, 2012, Martes

Kararating lang mula Maynila ng pamilya Rugador, pero dumiretso sila agad sa Burnham Park para magpapresko at maglatag ng banig. Dito na sila magpapalipas ng gabi.

“Malamig dito sa Baguio, mas gusto ng pamilya ko,” sabi ni Nilo Rugador.

Ang ilang turista naman bumisita agad sa mga sikat na tourist spot ng summer capital ng bansa gaya ng Botanical at Rose Garden.

“Dito talaga ang summer destination namin yearly. Dito lang talaga nakakapag-relax kami,” ani Arsenio Pigirigan.

At siyempre pa, patok din ang mga ipinagmamalaking produkto ng Baguio na paboritong pasalubong ng mga bakasyunista gaya ng walis tambo.

“’Yun colored po, ‘yun ‘yung mas attractive sa tao, at matibay po talaga,” ani Jossie Ferrer.

Patok din ang strawberry jam na tatlo para sa P100. Five for P100 ang mga lengua de gato, six for P100 ang peanut brittle, at P150 ang maliit na ube jam.

“[Paborito ko] ‘yung peanut brittle,” sabi ni Joel Severo.

Tinatayang nasa 200,000 na ang bilang ng mga turistang umakyat ng Baguio, at sa Huwebes Santo, inaasahang aakyat pa ang higit sa 400,000 turista.

“For the past few years, ang Holy Week, dito talaga tayo umaabot ng 100 per cent. There are other alternative areas na puwedeng puntahan ng tao during the Holy Week,” sabi ni Jeff Ng, manager ng isang hotel.

At para matiyak ang seguridad ng mga turista, pinakalat na para mag-monitor ang bike patrol ng Baguio City Police Office. Tuluy-tuloy din ang inspeksyon sa mga bus terminal at mga mall.

Halos 60% ng mga volunteers ang nakatalaga sa iba’t-ibang pangunahing kalsada sa Baguio at handang magbigay ng medical, at tourist assistance.

Dahil sa pabagu-bagong lagay ng panahon, pinapayuhan ng DOH ang mga turistang aakyat ng Baguio na magpalakas ng resistensiya, para makaiwas sa ubo at sipon. Naglalaro sa 13 degrees Celsius hanggang 15 degrees Celsius ang temperatura ngayon sa Baguio City. Maira Wallis, Patrol ng Pilipino