Students donning bikini on Facebook barred from graduation

Posted at Mar 30 2012 10:46 PM | Updated as of Mar 31 2012 06:46 AM

Dahan-dahang lumapit sa gate ng Saint Theresa's College ang mga mag-aaral kasama ang kanilang mga magulang kaninang hapon. Nais nilang makadalo sa graduation.

Sa gate pa lang, hinarang na sila ng mga guwardya ng paaralan. Iginiit pa ng mga magulang na may desisyon na ang korte na makakadalo sila sa graduation ngayong araw. Ngunit nagmatigas ang mga guwardya.

Nag-iyakan ang mga mag-aaral. Ang iba, yinakap ng kanilang mga magulang. Ngunit sa huli, wala ring nagawa ang mga magulang at ang mga mag-aaral.

Nanindigan ang Saint Theresa's College na nakapag-file sila ng motion for reconsideration sa korte kaya hindi pa pinal ang TRO na inilabas ni Cebu City RTC Judge Wilfredo Navarro.

Ngunit ayon sa clerk of court, hindi na maaring mag-MR ang STC.

 “The TRO is unappealable, it is immediately executory,” sabi ni Atty. Ofelia delos Reyes, clerk of court ng RTC Branch 19.

Nakausap ng ABS-CBN ang dalawa sa mga magulang ng limang bata na hindi pinayagang gumraduate dahil sa mga bikini pictures sa Facebook.

Ayon sa kanila...

“Nakita ko nga nagsusulat na ng suicide note. Natakot ako,” sabi ng isang magulang.

“Masyadong masakit. Hindi na namin alam kung ano ang gagawin,” anang isa pa.

Kinundina ng mga youth group sa Cebu City ang hindi pagpayag ng STC na makadalo sa graduation ang mga mag-aaral.

 “Grabe ang kahihiyan na idinulot ng STC sa mga students,” sabi ni Victor Sumampong, secretary general ng Ligdong Samahan Alang sa Kabatan-unan sa Sugbo.

Nagsampa na ng grave oral defamation at child abuse ang mga magulang ng mga bata laban sa Saint Theresa's College. Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang STC ukol sa isyu. Carmi Cavalint, Patrol ng Pilipino