Bayan Patroller gambling video triggers probe

Posted at Mar 21 2012 12:08 AM | Updated as of Mar 21 2012 11:10 AM

Ito ang video na nakunan ng bayan patroller na tumangging magpakilala.

Hayagan ang pagsasakla ng mga taong ito rito sa Central Tarlac. Nakunan din ang mga miron na nakapalibot at nanonood sa nasabing sugal.

Ayon pa sa Patroller, bukod sa sakla, madalas din daw sa Central Tarlac ang tupada. Dito raw ito ginagawa sa isang lugar na ito kung saan dinadayo rin ng mga tao.

Sinadya ng BMPM na puntahan ang Tarlac City police station para ipakita mismo ang video na ito na ipinadala ng Bayan Patroller sa chief of police nitong lugar na ito para malaman ang kanyang aksyon.

Ipinakita namin sa deputy chief of police ang mga video.

“If ever existing pa rin po ‘yan, gagawa na po kami ng means para agad masugpo iyang illegal gambling,” sabi ni Philip Antang, chief inspector ng Tarlac City police.

Ayon pa sa reklamo ng Patroller, wala raw aksyon ang lokal na pamahalaan at may basbas umano ito ni Mayor Ace Manalang at ABC president. Pero pinabulaanan ito ng administrator ni mayor.

Iginiit niyang hindi ito kinukunsinti ni mayor at ng ABC president lalo pa't may ordinansa sila laban sa illegal gambling.

"Definitely hindi ito-tolerate ni mayor ‘yan. Ipapatawag natin ang mga barangay officials dito sa mga barangay na ito,” ani Ruben Santos, OIC administrator ng Tarlac.

Magpapaimbestiga rin si DILG Secretary Jessie Robredo matapos mapanood ang video dahil malinaw daw na ito ay iligal. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino