Shabu lab ni-raid sa Cagayan

Posted at Feb 27 2015 08:59 AM | Updated as of Feb 27 2015 05:00 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

CAGAYAN – Milyun-milyong pisong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa pagsalakay nila sa isang pagawaan ng shabu sa bayan ng Lasam, Cagayan province.

Mula sa national highway, isang kilometro ng baku-bakong daan ang tatahakin para marating ang pinaghihinalaang shabu laboratory sa Barangay Nicolas Agatep.

Sa isang lote doon, nakita ang tatlong kubo na yari sa nipa at plywood na binalutan pa ng itim na plastic.

Nang pinasok ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mga pulis ang isa sa mga kubo, tumambad ang pitong drum na naglalaman ng liquid methamphetamine.

Natagpuan din ang isang supot ng hinihinalang shabu.

Sa isa namang kubo, nakita ang kahon-kahong ephedrine na pangunahing sangkap sa paggawa ng shabu.

May mga lata rin ng kemikal na tinaguriang controlled precursors and essential chemicals.

Nagsisilbi naman umanong quarter ng gumagawa ng shabu ang pangatlong kubo, pero tanging ang mga caretaker na sina Joey Peralta at George Cortez ang nadatnan ng mga operatiba.

Sinalakay din ng PDEA ang rest house ni Orlino Agatep Sr. Nakumpiska ang samu't saring baril, mga bala at grenade launcher.

Itinanggi naman ni Agatep na may kinalaman siya sa shabu laboratory.

Nirentahan lang daw niya ang lote ng negosyanteng Intsik na si Benjamin Chua.

Naaresto si Chua sa bahay nito sa Barangay Newagak, Gattaran, Cagayan.

Nakumpiska ang higit isang kilo ng shabu, mga sangkap at gamit na panluto. Inihahanda na ng PDEA ang kaso laban kina Chua at dalawang caretaker nito. Dawit din si Agatep.

--Umagang Kay Ganda, 27 February 2015