Sugatang dolphin tinamaan ng dinamita?

Posted at Feb 11 2015 12:16 PM | Updated as of Feb 11 2015 08:16 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

PAMPANGA - Nailigtas ang isang sugatang dolphin na napadpad sa baybayin ng Lingayen, Pangasinan.

Umaasa na lang sa floating device ang isang dolphin na pinangalanang Julius habang nagpapagaling sa Dolphin Rehabilitation Center sa Subic Bay Freeport Zone.

Enero 27 nang makita ng isang volunteer ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa baybayin ng dagat sa Lingayen, Pangasinan si Julius.

Pebrero 1 naman nang sagipin siya ng Philippine Marine Mammal Stranding Network.

Isang Fraser's dolphin si Julius. Kalimitang matatagpuan sa Pacific Ocean ang mga ganitong uri ng dolphin.

Sa obserbasyon ng mga eksperto, nasira ang sound navigation ranging (SONAR) ng dolphin, na siyang ginagamit nila upang matukoy ang tunog kung sakaling may papalapit na kaaway at kanilang pagkain.

Sa ngayon, inoobserbahan pa ang dolphin.

Posible rin daw napilayan ito sa pectoral fins dahil hirap ito kumilos.

Posible raw natamaan ng dinamita na ginagamit ng ilang mangingisda ang dolphin.

Kabilang si dolphin Julius sa 29 na dolphin na na-stranded sa mga dagat sa La Union at Pangasinan, kung saan 20 dito ang namatay.

--Umagang Kay Ganda, 11 February 2015