7 die in strong Visayas earthquake

Posted at Feb 06 2012 10:32 PM | Updated as of Feb 07 2012 06:32 AM

Ilang minuto bago tayo lumabas sa ating kinatatayuan para magbigay ng live report ay nakaranas pa rin tayo ng aftershock.

Ayon nga sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs), mula kaninang umaga hanggang sa mga oras na ito ay hindi bababa sa mga 20 ang aftershock na naranas sa Cebu at ilang bahagi ng Central Visayas.

Kaninang umaga naman, nag-panic ang maraming tao lalo’t naglabas ang Phivolcs ng tsunami alert level 2.

Sa CCTV na kuha sa isang gusali sa Cebu, kitang-kita ang pagyanig ng gusali.

Kumaripas ng takbo ang mga tao palabas ng building para maghanap ng mas ligtas na lugar.

Ganoon din ang eksena sa ibang lugar sa Metro Cebu.

Nagsilabasan ang mga tao sa mga gusali dahil sa takot.

Sa isang malaking tindahan, nagmamadaling bumaba ang isang babae nang maramdaman ang pagyanig.

“Malakas ang lindol. Kaagad naming pinalabas ang mga tao,” sabi ng isang lalaki.

Ang iba, napaupo na lang sa labas.

Lumabas din ang mga bata sa eskuwelahan.

Sa takot, nag-iyakan sila lalo't ito ang unang pagkakataon na nakaranas sila ng ganung kalakas na pagyanig.

“Natatakot talaga kami. Uuwi sana kami pero sabi kasi nila may pasok pa,” sabi ng isang bata.

Sa downtown area sa Cebu City, nakunan ng video ng Bayan Patroller na si Jose Gochangco nang mag-panic ang mga tao.

Mayroon diumano kasing nagpakalat ng balita na mayroong parating na tsunami.

Pero hindi na sila bumaba ng building dahil wala naman silang nakitang paparating na tubig.

Bandang 11:49 nang tumama ang 6.9 magnitude na lindol.

Ramdam ang intensity 7 sa Dumaguete City at Vallehermoso, Negros Oriental.

Intensity 6 sa La Carlota, La Castellana sa Negros Occidental at Argao sa Cebu.

Intensity 5 sa Roxas City, Dao at Ivisan sa Capiz pati na rin sa Iloilo City, Ayungon, Negros Oriental, Kanlaon City at Lapu-Lapu City, Cebu.

Gayundin sa Guimaras, Cebu City at San Carlos City, Bacolod City, Sagay City at Tagbilaran City sa Bohol.

Naramdaman din ang lindol sa Legazpi City, Albay, Sorsogon at Masbate sa Bicol; gayundin sa ilang bahagi ng Eastern Visayas pati sa Mindanao gaya ng Cagayan de Oro, Agusan del Norte, Butuan at Pagadian City.

Sa lakas ng lindol, pansamantalang pinutol ang mga linya ng kuryente sa ilang bahagi ng Visayas.

Nagsikip tuloy ang trapiko sa Cebu City dahil hindi na gumana ang traffic lights.

Pinakamalakas na naramdaman ang lindol sa Dumaguete City kaya naglabasan sa gusali ang mga tao.

Sa Bohol, nagtakbuhan din palabas ng paaralan ang mga tao sa takot na gumuho ang gusali.

Balik na sa normal ang suplay ng kuryente rito sa Cebu at ilang bahagi ng Central Visayas pero hindi pa rin normal ang buhay ng ilan nating Kapamilya lalo ang mga nakatira sa may dalampasigan.

Kanina ay napilitan silang lumipat sa mga mas mataas na lugar dahil sa takot na matutuloy ang kanilang pinangangambahang tsunami.