‘Bayanihan’ alive among 'Sendong' victims

Posted at Dec 20 2011 11:00 PM | Updated as of Dec 21 2011 07:00 AM

Nagtulungan ang mga Bayan Patroller para sa mga nasalanta ng bagyong “Sendong.”

Pero sa gitna ng pagtutulungan, isang fire truck naman na maghahatid sana ng tulong sa isang evacuation center ang naaksidente.

Sa Cagayan de Oro City, papunta na sana sa evacuation center ang isang fire truck na ito para magbigay ng tubig nang mabangga sa isa pang truck.

Naipit ang drayber nito kaya't rumesponde ang iba pang mga bumbero at nailabas naman nang buhay ang naipit na drayber.

Sa Misamis Oriental, nakunan ni Shaun Ranara kaninang umaga ang dalawang bangkay ng matanda.

Isang bangkay rin ng bata ang nakuha ng mga bangkero sa Balingasag Bay.

Sa Iligan City naman, ilang alumni ng Mindanao State University Batch 2000 ang nagpakain at nagbigay ng tulong pinansyal sa mga biktima ng bagyo na pansamantala ngayong nakasilong sa unibersidad.

Sa mga ipinadalang larawan ni Abdel Disangcopan, makikita ang mga damit, tubig, bigas, at ilang delata na ibinahagi nila na napakinabangan raw ng mahigit 800 pamilya.