Report on Pasig hotel death clarified

Posted at Nov 22 2012 08:51 PM | Updated as of Nov 23 2012 05:08 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Inilagay na sa wanted list ng pulisya ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang plant manager sa loob ng isang hotel sa Pasig City. Nagpa-Patrol, Gus Abelgas.

Si Roberto Apuyan y Garcia, 57, plant manager ng isang kompanya ng automotive spare parts, ay natagpuang tadtad ng 18 saksak sa leeg at katawan sa isang kuwarto ng isang hotel sa Pasig City. Isang 15-anyos na dalagita na karelasyon umano ni Apuyan ang inaresto ng pulisya at kasalukuyang iniimbestigahan kung responsable sa krimen.

Dalawang suspek na lalaki pa na kasama umano ng babae ang pinaghahanap ng pulisya. Sila ay sina Elton Juan, 21 anyos na taga-Marikina City, at si alias "Panget" na pinaniniwalaang lumabas na ng Metro Manila.

“Isang panawagan sana sa publiko, na kung maaari ay makipagtulungan kayo sa ating pulisya upang madakip agad itong si Elton Juan y Rivera at iyong isang alias 'Panget' po,” sabi ni Senior Insp. Rodrigo de Dios, chief of investigation, Pasig City police.

Ang ipinakita po naming larawan kahapon ay lumalabas na kapangalan lamang ng biktima. Ang tunay na biktima na si Roberto Apuyan y Garcia ay 57 taong gulang, samantalang ang napakita naming larawan ay kay Roberto Apuyan y Torrero, 61 taong gulang at self-employed dito sa Pilipinas.

Ang babaeng kasama niya sa larawan ay ang anak niyang si Joan, na 29 anyos at nagtatrabaho sa Singapore.

Dito ay humihingi po kami ng paumanhin sa pamilya ng naapektuhan. Gus Abelgas, Patrol ng Pilipino. TV Patrol, Nobyembre 22, 2012, Huwebes