Pirated DVDs of Pacquiao-Margarito bout seized

Posted at Nov 15 2010 10:33 PM | Updated as of Nov 16 2010 11:17 AM

Matapos ang matagumpay na laban ni Manny Pacquiao na pinanood ng milyon-milyong katao sa buong mundo sa pamamagitan ng pay-per-view "live,” sinamantala naman ng mga pirata ang pagkakataong magkaroon ng negosyo at gumawa ng mga DVD. Pero, bago pa ito maikalat, sinalakay na ito ng Optical Media Board (OMB).

Sorpresang sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng Optical Media Board at PNP ang tiangge-an sa Baclaran sa Parañaque. Nasamsam dito ang mga piniratang DVD ng labang Manny Pacquiao at Antonio Margarito! Damay din pati foreign movies.

Sunod na pinuntirya ng OMB ang Quiapo, Maynila. Dito, dali-daling nagsara ng mga puwesto ang mga tindera. Pero dahil may dalang bolt-cutter ang raiding team, napasok din ang mga tindahan.

Guwardiyado ng mga pulis ang lugar. Nakuha dito ang mga pirated copies ng DVD ng Pacquiao-Margarito fight.

Ayon kay OMB chairman Ronnie Ricketts, Linggo pa lang, matapos ang laban ni Pacman at Margarito, ay nai-download na ang master copy ng 12-round fight.

Puwedeng ma-produce ang mga DVD sa bilis na isang minuto lamang. Pagkatapos ay agad itong ilalabas sa merkado at dito ibebenta sa ating mga kababayan.

Iisang source umano ang pinagkukunan ng boxing fight nina Pacquiao at Margarito na walang mga commercial. Sa tulong ng barangay officials, may ilang stall owners ang nag-surrender din ng kanilang mga gamit at DVD.

“Bago ibagsak, rinerendahan na natin, kasi kaysa maunahan kami sa kalye, ang ginawa namin inunahan namin sila,” ayon kay Ricketts.

“Mga bata lang ang nag-download nito kahapon. Kaya hindi kumalat ito,” sabi naman ng isang tindera.

Ibinebenta umano ng mga tindera sa Quiapo ang Pacquiao-Margarito fight sa halagang P30 hanggang P50. Alex Santos, Patrol ng Pilipino.