Lalaking inakalang kawatan, napatay ng pulis

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2015 10:32 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv
Patay ang isang 21-anyos na lalaki matapos mapagkamalang magnanakaw at mabaril ng pulis sa Marcos Highway, Antipolo City nitong Biyernes. 

Dakong alas-10 ng gabi nang katukin ng biktimang si Angelo Conejos ang sports utility vehicle (SUV) ni SPO4 Joseph Cabaddu ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP). 

Sa pag-aakalang magnanakaw ang biktima, binaril ni Cabaddu si Conejos mula sa driver's seat. 

Nasawi si Conejos mula sa tama ng baril sa dibdib. 

Kwento naman ng isang nakakita ng insidente, nagsisigaw ang pulis na tila nangungumbinsi na holdaper nga si Conejos.

"Parang hinihikayat niya iyung mga tao na parang mga testigo iyung mga tao sa paligid na nakita na may patalim," sabi ng isang "Maricar." 

Inaresto ng mga pulis si Cabaddu.

Narekober naman ang isang balisong mula sa kamay ni Conejos. Pero hinala ng pamilya Conejos, itinanim ng pulis ang patalim para palabasin na nagtangkang magnakaw ito.

Inireklamo rin ng pamilya ni Conejos ang umano'y tangkang pagtatakip ng pulisya sa ginawa ni Cabaddu.

Lumipas umano ang isa't kalahating araw bago nila matunton ang bangkay ni Conejos, na sinasabing idinaan sa autopsy nang wala ang kanilang pahintulot.

Nahaharap sa kasong homicide si Cabaddu.

ABS-CBN Umagang Kay Ganda, November 3, 2015