Family of 5 perish in Caloocan fire

Posted at Nov 02 2010 11:00 PM | Updated as of Nov 03 2010 09:42 AM

Nakunan pa ng isang residente ang nangangalit na apoy na tumupok sa isang bahay sa Pangarap Village sa Caloocan kagabi.

May mga nakaimbak palang mga gasolina sa loob ng compound kaya kumalat hanggang sa kalsada ang apoy.

 “Sumiklab ang apoy, pinakamalakas at umagos ang gasolina,” sabi ng barangay tanod na si Bernardo Bacodo.

Nang humupa  ang apoy, tumambad sa mga bumbero ang bangkay ng limang magkakaanak na nasawi sa sunog.

Lahat sila nakulong sa loob ng banyo at hindi na nagawa pang makalabas.

Ayon sa mga arson investigators, ang mga drum na ito ay puno ng gasolina. Ito raw ang dahilan kung bakit mabilis kumalat ang apoy at hindi nakalabas ang mga biktimang nakulong sa kanilang bahay.

Negosyo raw kasi ng mga nakatira doon ang pagbebenta ng gasolina kaya nga may isang fuel pump pa na nakaharang sa entrada ng kanilang bahay.

“Katabing-katabi nila yung fuel pump at container eh, so ang option nila ay banyo na lang ang pagtataguan,” sabi ni SFO4 Randy Resurrection.

Dinala naman sa pinakamalapit na pagamutan ang dalawang sugatan. Jeck Batallones, Patrol ng Pilipino