Witnesses retract rape rap vs Patrick

Posted at Oct 19 2010 10:19 PM | Updated as of Oct 20 2010 12:10 PM

Naninindigan ang tatlong testigo sa kanilang sinumpaang salaysay at nakahanda raw silang harapin si "Jane".

Sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN noong Sabado, iginiit ni “Jane” na ni-rape siya ng actor-politician na si Patrick Dela Rosa.

“Hindi naman ako papansin. Totoo ang ginawa niya na inaano niya talaga ako,” giit ni Jane.

Pero itinanggi ito ng testigong si “Carlo”. Kainuman pa raw niya sina Jane at Patrick. At matapos uminom ng dalawang bote ng beer pumasok na raw si Patrick sa loob ng kwartong ito. Pagkaraan ng ilang minuto, sinundan raw siya ni Jane.

"Pumunta po siya dito. Tapos, kumatok, ang sabi, 'Rape! Rape! Rape!' Lumabas si Patrick at sinundan siya dito sa isang kuwarto, sinara yung pinto tapos nagsigawan na silang dalawa," ayon sa isang testigo.
 
Maging ang mga kaibigan ni “Jane” na sina “Donna” at “Jessa” na noon ay kumampi sa biktima, nagbago na rin ng statement.
 
Sa kanilang bagong affidavit, pinabulaanan nila ang mga alegasyon ni “Jane” na siya ay ni-rape ni Patrick. Noong una raw ay naniniwala sila kay “Jane” dahil naabutan nilang nakahubad ito sa kuwarto kasama ni Patrick.
 
Subalit nagulat raw sila nang sa kalagitnan ng pag-iimbestiga ng mga pulis, umamin umano sa kanila si “Jane” na hindi naman siya ginahasa.

"Ano ba, nangyari ba talaga, tanong ko kay Jane. Ang sabi niya sa akin hindi naman siya ni-rape. Wala raw gahasaang nangyari,” sabi ni “Donna”.
 
“Sinabi niya iyon right after noong napa-medical na siya,” dagdag naman ni “Jessa”.  

Ipinakita rin nila sa amin ang larawan ni “Jane” kasama ang isang lalaki na kainuman din nila noong umagang yun.

Inamin daw sa kanila ni “Jane” na nakasiping niya ang lalaking ito sa loob ng condo unit bago nakasagutan si Patrick.
 
"Hinihingi iyong undies niya dahil kailangan daw sa examination, sabi ko bigay mo na. Sabi niya sa amin, hindi ko pwedeng ibigay dahil may nangyari daw sa kanila nung ibang guy noong gabing iyon. Sabi ko pa sa kanya, 'Bakit ngayon mo lang sinabi?' Ayaw daw niyang ibigay dahil malalaman daw na may iba," pagsasalaysay ni “Donna”.
 
Hindi na nagulat ang abogado ni “Jane” sa pagbaligtad ng mga testigo. Hindi raw nito maapektuhan ang kaso nila laban kay Patrick.

“It’s only the victim who knows if she was actually raped or not. And there is really no witness for that except the victim,” ayon kay Atty. Freddie Villamor na abogado ng biktima.
 
Nilinaw din ni Villamor na hindi pa niya nakakausap si “Jane” kaugnay ng nabanggit na lalaki. Haharapin na lang raw ni “Jane” ang mga alegasyon sa loob ng korte. Julius Babao, Patrol ng Pilipino