EXCL: Foul play seen in mental hospital patient's death

Posted at Oct 12 2011 10:57 PM | Updated as of Oct 13 2011 06:57 AM

Nagluluksa ang pamilya ng isang pasyente ng National Center for Mental Health matapos itong matagpuang patay sa kanyang ward sa naturang ospital nitong linggo.
   
Sa death certificate, namatay sa atake sa puso si Randy Carreon na 12 taon nang pasyente ng National Center for Mental Health.

'Di matanggap ng kanyang mga kaanak ang kanyang pagkamatay dahil wala raw itong sakit kahit pa may diperensya ito sa pag-iisip.

"Takang-taka ako dahil pilit nila akong pinapipirma na waiver o refusal to autopsy,” sabi ni Erwin Pineda, bayaw ng biktima.

Kaya't dinala pa rin nila sa Philippine National Police (PNP) crime lab ang bangkay at doon, napatunayan ang hinala ng pamilya.

“Namatay siya sa pamamagitan ng paglagay ng tali sa kanyang leeg,” sabi ni Chief Inspector Joseph Palmero ng PNP crime laboratory.

Isinantabi naman ng PNP ang anggulong suicide.
 
“Kapag nagbigti, dapat medyo mataas na parte ‘yung leeg [‘yung tali]. E ‘yung tali mababa, nasa base ng neck,” sabi ni Palmero.

Kaya't ang konklusyon ng crime lab, pinaslang si Carreon.

Pero pinanindigan ni Dr. Bernardino Vicente, direktor ng National Center for Mental Health, namatay sa atake sa puso ang pasyente.

“Nakita siya ng staff na nag-collapse. Finding that ‘yung BP niya was very low. 40/60 yata,” sabi ni Vicente.

Tiniyak naman ng Department of Health na iimbestigahan ang insidente.

Humihingi ng katarungan ang pamilya ni Carreon at magsasampa daw sila ng kaso laban sa pamunuan ng ospital. Anthony Taberna, Patrol ng Pilipino