Pagronda sa Malabon, pinaigting kasunod ng riot

Posted at Oct 08 2015 10:57 AM | Updated as of Oct 08 2015 06:57 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Ilang pagbabago ang naging kapansin-pansin sa Police Community Precinct (PCP) 8 sa P. Aquino Avenue sa Tonsuya, Malabon kasunod ng pagkakasibak ng apat na pulis-Malabon matapos hindi makatugon sa riot ng dalawang grupo sa harap lang ng kanilang presinto.

Hindi katulad ng dati, wala nang nakaharang na kurtina at bukas na rin ang bintana ng istasyon presinto na nakaharap sa kalsada.

Matatandaang sarado ang naturang bintana nang magbatuhan ang dalawang gang na pawang mga menor de edad kaya hindi namalayan ng mga natutulog na pulis ang kaguluhan.

Halos wala ring tigil ang pagroronda at paninita ng mga police sakay ng mobile sa mga lansangan.

Sa kabila nito, may ilan pa rin na nasa lansangan kahit madaling-araw na, gaya ng walong taong gulang na si "Ming Ming." Katwiran ng bata, hindi siya makatulog dahil sa maraming lamok sa gitna ng kawalan ng ilaw at katol.

Ilang kabataan din ang inabutan na nag-iinuman sa pag-iikot ng mga barangay tanod.

Anila, ipatutupad na nila sa barangay ang alas-10 ng gabi na curfew.

Umapela naman ang barangay tanod na si Randy Arao na makipagtulungan ang mga magulang para madisiplina ang mga kabataan ng lugar.

Tiniyak naman ng bagong hepe ng PCP 8 na si Insp. Mark Flores na patuloy nilang paiigtingin ang police visbility sa lugar, batay na rin sa utos ni Philippine National Police (PNP) Director General Ricardo Marquez.

- Umagang Kay Ganda, 8 Oktubre 2015