I want to become a great lawyer for the country - Raissa

Posted at Sep 30 2010 11:44 PM | Updated as of Oct 01 2010 07:50 PM

Sunud-sunod ang pagdalaw ng mga bisita sa kuwarto ni Raissa Laurel sa Philippine General Hospital. Pero isang sorpresang bisita ang labis na nagpaligaya sa dalaga.

Nangako si Chief Justice Renato Corona kay Raissa na personal niyang i-se-swear-in ang dalaga sa sandaling makapasa na siya sa bar exams. Inalok pa niya si Raissa ng trabaho sa Korte Suprema sa sandaling makarekober na.

“I don’t see that often in young people anymore – ‘yong lakas ng loob at ‘yong tatag ng kalooban. Hindi ko na nakikita sa kabataan ngayon iyon. I think you’ll make a great lawyer,” ani Corona.

“Iyon po ang ipinagdarasal ko everyday, since I started law school: to become a great lawyer, to become someone, someday for the country,” ani Raissa.

Hindi rin napigilan ni Corona na iparamdam kay Raissa ang kanyang labis na paghanga sa dalaga.

“I feel a certain kinship with you. God bless you,” ani Corona.

Kahapon, dinalaw din si Raissa ni Pangulong Noynoy Aquino.

“The President of the Philippines – parang, wow, bakit ako pupuntahan? Sino ba ako? Tapos ngayon… Siguro, I made a difference to the youth, sa community na kahit may nangyari sa inyo, you shouldn’t give up, and you should fight for your dream pa rin, to not let your circumstances na maging hindrance sa buhay mo,” ani Raissa.

Apaw din ang mga mensahe ng suporta kay Raissa sa kanyang Twitter at Facebook account.

Ito ngayon ang pinaghuhugutan ng lakas ni Raissa. Sa kabila ng masaklap na nangyari sa kanya hindi pa rin makitaan ng lungkot ang dalaga.

“Nakita nila iyong letter mo na binigay sa akin. Parang wala silang nakitang sign na mahina ang loob mo after ang nangyari,” sabi ni Julius Babo habang kapanayam si Raissa.

“Lahat po iyon, kay Lord lang po, kasi po iyong bomb was in front of me so hindi na po ako nakatakbo. Lahat po iyon, noong time na iyon, tinanggap ko na po na mapuputulan na po ako ng paa. And then I prayed to the Lord na sana tulungan niya ako kasi super sakit po talaga, and ‘yong mga tao hindi nila alam iyong gagawin sa akin – bubuhatin ako, ganyan. Tapos medyo nagdilim na po iyong paningin ko pagdating po sa PGH, because of loss of blood,” ani Raissa.
 
Maliwanag pa sa alaala ni Raissa ang mga pangyayari noong araw na maganap ang pagsabog.

Kitang-kita raw niya nang bumagsak sa kanyang paanan ang isang di pa malamang uri ng pampasabog.

“Baka puwede pong may laman iyong box, basta ang naaalala ko po exactly, may box na naka-cover ng Manila paper, or parang Manila paper,” kuwento niya.

Nang makita niyang wala na ang kanyang mga binti, nagdasal na lang raw siya sa Diyos.

“Si Lord lang po ang sovereign sa lahat. Siya lang po ang tumulong sa akin, so nili-lift up  ko po iyong second life ko kay Lord,” ani Raissa.

Kamakailan lang sa kanya sinabi na kamuntik na pala siyang mamatay kung hindi siya naagapan ng mga doktor noong araw na iyon. Itinuturing ni Raissa, na isa itong milagro. May dahilan raw kung bakit sa kanya nangyari ito.

“Although magbabago iyong mga bagay-bagay – iyong paa ko wala na – pero at least ‘yong talent na ibinigay ni Lord nandito pa rin… so buo pa rin ako sa person. At iyong heart din, ‘andoon pa rin ‘yong heart. Mas pinatibay po niya ako, kasi... binigyan niya ako ng pag-asa. Kasi iyon nga, someone, someday, iyon ang lagi kong ipinagdarasal… baka ito iyong way na sinasabi niya sa akin na ‘o iyan, you are going to be someone, someday, anak,’” aniya.

Hangad lang niya ay mabigyang hustisya ang nangyari sa kanya at sa iba pang mga biktima. Sa ngayon desidido si Raissa na tapusin ang kanyang kursong abogasya. Hindi raw ito kayang hadlangan ng kahit anong uri ng bomba. Julius Babao, Patrol ng Pilipino.