EXCL: Giant waves engulf Roxas Boulevard

Posted at Sep 27 2011 11:32 PM | Updated as of Mar 15 2017 02:58 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Mag-a-alas-2 ng madaling araw kanina, malakas ang hangin pero hindi naman kalakasan ang alon sa Manila Bay.

Low tide noon at hindi pa umaabot sa breakwater o sea wall ang tubig-dagat.

Dakong 5 a.m. bumuhos ang malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin.

Ilang puno ang nabuwal.

Nahagip rin ang ilang poste at kable ng kuryente.

“Umangat. Sabi nga namin isang hangin na lang iyan babagsak na. Bumagsak nga,” sabi ng isang residente.

Isang pader din ang gumuho sa mga nakaparadang motor at tricycle sa Sampaloc.

Kasabay nito ang tila pagngangalit ng dagat.

Unti-unting tumaas ang alon na umabot ng lampas-tao.

Bago mag 8 a.m. ay umapaw na ang tubig sa kalye.

Ang palibot ng Raja Soliman Park at Roxas Boulevard, nag-mistulang malawak na karagatan kaya isinara na ito sa daloy ng trapiko.

Ang dalawang sasakyang ito, aakalain mong tumirik pero nagkabanggaan pala.

Pansamantalang iniwan ng may-ari at inabot na ng biglang taas ng tubig.

Unti-unti ring inanod ang mga sasakyan.

Ang masakit pa, pinuntirya pa ito ng mga kabataang kawatan.

Sa umpisa, may dalawang lalaking tila nagkakasayahan.

Naupo pa ang isang lalaki sa bubungan ng kotse habang pinapanood ang alon na lampas sa puno ng niyog.

Maya maya pa, may hawak nang matulis na bagay ang isang lalaki.

Ang sumunod na eksena, papalayo na ang 3 kabataan sa sasakyan, may bitbit na silang asul na bagay na galing sa kotse.

Dahil rin sa baha sa Roxas Boulevard, pinilit ng ibang sasakyan na dumaan sa maliliit na kalye kaya pati roon, nagkabuhol-buhol ang trapiko. Francis Faulve, Patrol ng Pilipino