Girl mistaken for sex worker raped in QC

Posted at Sep 23 2010 09:35 PM | Updated as of Sep 24 2010 09:45 AM

Buo ang loob ni alyas “Jessica” nang dumulog sa tanggapan ng QCPD Station 10 para ilahad ang kanyang sinapit sa kamay ng tatlong lalaki.

Kuwento niya, pauwi na sila ng kanyang Ate mula sa kanilang pinagtatrabahuan na kantina nang bigla silang tigilan ng isang sasakyang lulan ang tatlong armadong lalaki.

At dito sa bahaging ito ng Quezon Avenue nag-aabang ng masasakyan ang dalawang biktima nang bigla silang hintuan ng isang Mitsubishi Fuzion at sapilitang isinakay ang isa sa mga biktima.

Nagpaputok pa umano ng baril ang isa sa mga suspek kaya natakot si “Jessica” at nahatak sa loob ng AUV. Sa oto pa lang, minolestiya na siya ng mga suspek at pagdating sa isang bahay ay halinhinan na siyang hinalay.

“Kasi piniringan nila ako. Wala po akong alam kung saan ako dinala. Bumaba ako ng sasakyan na wala na akong suot,” dagdag ni “Jessica”.

Matapos ang krimen, basta na lang umano siyang pinakawalan ng tatlo.

“Sabi nila sakin huwag daw akong lilingon sa kanila, sasabog daw 'yung ulo ko kasi na nakatutok sa ulo ko 'yung baril.”

Naplakahan naman ng kapatid ng bikitma ang AUV. Kaya sa tulong ng LTO at ng mga pulis, natunton sa East Fairview ang sasakyan.

Agad naaresto si Janzan Ruckenroad, isa sa mga itinuturong suspek. Narekober din ang ginamit na AUV kung saan nagkalat pa ang mga damit ng babae at ang bracelet ni “Jessica.”

"According ito doon sa victim, nalaglag ang bracelet niya diyan at nandidiyan ang mga underwears. Ginahasa siya rito sa sasakyan,” ani Costante Agpaoa.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Ruckenroad. Patuloy namang pinaghahanap ang 2 pa niyang kasama. –Doland Castro, Patrol ng Pilipino.