Thief's 'almost perfect' crime caught on cam

Posted at Sep 11 2010 11:02 PM | Updated as of Sep 12 2010 07:28 AM

Kuhang-kuha sa CCTV camera ang panloloob at palpak na pagnanakaw ng isang lalaki sa isang tindahan sa Frisco, Quezon City.

Bandang 2:30 ng madaling araw nitong Biyernes, mag-isang pinasok ni Raul Bello Jr. ang tindahan ng ARM Skin Essentials Corporation sa Frisco, Quezon City para pagnakawan.

Alam niya ang pasikut-sikot sa loob ng tindahan dahil siya ang electrician nito at mismong nagkabit pa ng vault.

Perfect crime na sana. Iyong nga lamang, nandiyan ang CCTV camera at kahit patay ang ilaw ay nai-record ang nagaganap na pagnanakaw.

Bago pinuntirya ang laman ng tindahan, tinangka niya munang sirain ang CCTV camera.

Hindi ito umubra at nakuhanan pa siya nang malapitan.

Sa pag-aakalang hindi na siya nakukuhanan, dumiretso na ang suspek sa second floor. Kinalas niya ang vault at pahirapang ibinaba.

Sa bigat ng vault, ilang minuto rin siyang nagpahinga bago tuluyang lumabas sa fire exit.

Malas naman ng suspek dahil wala palang laman ang vault.

“Kakadeposit lang namin ng laman ng vault,” ani Dr. Alvin Matulac, may-ari ng tindahan.

Pakunswelo na lamang daw sa suspek ang nabitbit niyang whitening soap at P1,500 na barya.
“Ngayon napakahalaga ng CCTV, it’s because nga makikita mo talaga na kahit ang mga taong kilala mo puwede palang magnakaw sa iyo,” dagdag ni Matulac.

Pinaghahanap pa ng Quezon City Police District ang suspek.

Nagbabala naman ang pulisya sa publiko na lalong mag-ingat sa mga magnanakaw ngayong magpa-Pasko. – Pia Gutierrez, Patrol ng Pilipino