Fastfood pickpocket caught on cam

Posted at Sep 09 2010 10:49 PM | Updated as of Sep 10 2010 06:49 AM

Ipinapanood sa ABS-CBN ni Rowena ang CCTV video na kuha sa isang fastfood restaurant sa loob ng isang mall sa Marikina City noong September 6 ng gabi.

Mapapansing umaaligid sa likuran ni Rowena ang dalawang babae.

Maya-maya, dumikit na sa kanya ang isa. Sunod na sumingit ang isa pa.

Habang abala si Rowena sa pag-order sa kahera, binubulatlat na pala ng suspek ang kanyang bag at gamit na pantakip ang isang plastic bag habang nakatakip naman sa kanyang ginagawa ang kasabwat.

Sa loob lang ng 20 segundo, natangay na ang kanyang wallet.

“Noong nasa counter ako, biglang may babaeng bumubunggo sa akin sa kaliwa. Tapos pagkabunggo niya sa akin, doon nila ginawa ang pandudukot,” salaysay ni Rowena.

Sa video tila parang nakalusot na ang mandurukot at kanyang kasama pero nahabol pala siya ng guard.

Huli sa video ang pagkakadampot sa mandurukot!

Nang magkaroon ng komosyon, doon na lamang napansin ni Rowena na nawawala ang kanyang wallet.

“Tiningnan ko ang bag ko. Tiningnan ko, sabi ko wala nga ang wallet. Sabi noong suspek, hindi ako ang kumuha eh kitang-kita ko hawak-hawak niya ang plastic at nasa ilalim noon, nandoon nakasilip ang wallet ko,” ani Rowena.

Ayon kay Rowena , nahuli ang suspek na si Teresa Rivera nang isuplong siya ng concerned citizen na tinangka rin niyang biktimahin.

Narekober naman ang wallet ni Rowena na may lamang P12,000.

Kulong ang suspek sa kasong theft.

Pinaghahanap naman ang kasama niyang kinilala lamang sa pangalang "Daisy."

Umaasa naman ang biktima na magsisilbing babala ang nangyari sai ba pang posibleng mabiktima ng ganitong modus operandi. -- Julius Babao, Patrol ng Pilipino