16 hurt in bus accident in front of hospital

Posted at Sep 04 2010 11:44 PM | Updated as of Sep 05 2010 07:57 AM

Wasak ang harapang bahagi ng Safeway Bus sa tapat mismo ng East Avenue Medical Center at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Basag na basag ang mga bintanang malapit sa puwesto ng driver.

May mga naiwan ding bakas ng dugo mula sa mga sugatang pasahero.

Kuwento ng mga nakakita, mabilis ang takbo ng bus na biyaheng Fairview nang salpukin nito ang papalabas na Pajero mula sa ospital.

Sa lakas ng pagsalpok, dumire-diretso ang bus sa kabilang lane    saka tuluyang sumalpok sa planters box sa tapat ng gusali ng BSP.

Suwerte na lamang na walang kasalubong na mga sasakyan ang bus.

Ayon sa driver ng Pajero nagulat siya sa bilis ng bus pero nang mangyari ang aksidente, hindi na raw nila nakita ang driver na kinilalang si Ramon Jamisola.

Ilang saglit pa, dumating na rin sa lugar ang kinatawan ng Safeway Bus, kasama na rin nila ang nakapuslit na driver.

Hindi raw nila tatakbuhan ang mga biktima

Kasalukuyang ginagamot sa ospital ang mga sugatan.

Samantala posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property with multiple physical injuries ang driver ng bus.

Ito na ang pang-apat na aksidente sa bus kasunod ng pagkahulog sa Benguet ng isang bus, pagbangga ng isang bus sa sasakyan ng isang beauty queen at pagkahulog sa creek ng isang bus sa Quezon. – Henry Omaga Diaz, Patrol ng Pilipino