PDEA raids drug pushers' lair in QC

Posted at Sep 03 2010 02:11 AM | Updated as of Sep 03 2010 10:11 AM

Bitbit ang search warrant, isa-isang ginalugad ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 4 na bahay sa NIA Road, Quezon City, para hanapin ang mga hinihinalang drug pusher.

Bandang alas-3 ng hapon sinimulan ang raid na resulta umano ng isang-buwang surveillance sa lugar.

Ito’y kasunod ng pahayag ng ilang residenteng pugad nga ng mga shabu pusher ang kanilang lugar.

Dalawa ang naaresto sa 3 suspek na hinahanap ng PDEA. Nakilala silang sina alyas Aileen at Orosco, na isa umanong dating pulis.
   
Arestado rin ang 3 kasama nila sa bahay.

Nakuha rin sa 4 na bahay ang 25 sachet ng hinihilang shabu, mga drug paraphernalia at isang kalibre .45 na baril at magazine ng 9mm pistola.

Pero bukod sa kanila, may mahigit 20 tao pang binitbit at dinala sa PDEA headquarters para maimbestigahan.

Nagulat naman ang mga operatiba ng PDEA nang biglang marinig ang isang putok ng baril, pero hanggang ngayon hindi pa natutukoy kung sino at saan nanggaling ang putok.

”Hindi ko naman po talaga gustong magbenta kaya lang wala po talaga kaming makakain,” ani Marilyn Munar, isa sa mga naaresto.

Sabi naman ng director ng PDEA na si Director Wilkin Villanueva, “sa kalsada mismo ang bentahan. Dito, dito sa mga maliliit na pasilya e talamak ang laro ng droga sa loob. Nasa harapan lang mismo ng PDEA.”
   
Sinusuri na ang rekord ng mga dinampot na residente maging ang 3 arestadong suspek. – Chiara Zambrano, Patrol ng Pilipino