ABS-CBN News

Lim suspected hostage taker's brother part of plot

Posted at | Updated as of 08/28/10 7:59 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

“Sir, ah, it’s ah, Mayor Lim, sir.”
 
Ang pahayag na ito ni Chief Superintendent Rodolfo Magtibay sa Senado ang tumuldok sa tanong kung sino ang nag-utos na arestuhin ang kapatid ng hostage-taker na pinaniniwalaang naging mitsa ng pagbagsak ng negosyasyon at pagdanak ng dugo.
 
Nitong Biyernes, sinabi ni Mayor Alfredo Lim na nag-sorry sa kanya ang nasibak na hepe ng Manila Police District.
 
Hindi raw niya iniutos na arestuhin si Senior Police Officer (SPO) 2 Gregorio Mendoza matapos ituro ng mga negosyador na kakutsaba ng kapatid.
 
Sa halip, minabuti raw ni Lim na nasa command post ng mga oras na iyon na ilipat si SPO2 Mendoza dahil hindi na ito nakakatulong sa sitwasyon at para maimbestigahan na rin sa Manila Police District headquarters.
 
Walang media noon sa command post, pero imbes na mahinahon na sumunod, tumakbo raw si SPO2 Mendoza sa kinaroroonan ng media para makunan ng mga camera.
 
Sa simula pa lamang, naghinala na raw si Lim na balak ni Mendoza na tulungan ang hostage-taker lalo pa’t may dala siyang armas nang magpunta sa grandstand.
 
Pinabulaanan rin ni Mayor Lim na pinersonal niya ang hostage-taker.
 
Si Lim ang nagpa-imbestiga kay Mendoza sa kasong extortion na humantong sa pagkakasibak ng pulis.
 
Wala pang natatanggap na pormal na imbitasyon, pero nakahanda raw si Mayor Lim na humarap sa Senado para ihayag ang kanyang panig at naging papel sa pagtugon sa malagim na hostage-taking. – Ina Reformina, Patrol ng Pilipino