Alleged cop torture caught on cell phone video

Posted at Aug 18 2010 12:54 AM | Updated as of Aug 18 2010 08:54 AM

Sa isang tago na lugar takot na nakipagkita sa ABS-CBN News si Emil. May hawak siyang video at gusto niyang makita ito ng media.



“Unang beses ko lang po nakakita ng ganyan. Kahit sino naman magugulat,” ani Emil.



Ipinagkatiwala raw ito sa kanya ng kanyang kaibigan na ngayon ay hindi niya alam kung nasaan.



“Ayaw niya lang din na mangyari rin sa kanya iyan. Kasi may posibilidad din po daw,” dagdag pa ni Emil.



Laman ng video ang umano'y ginawang pag-torture sa isang pinaghihinalaang holdaper sa loob ng isang presinto sa Maynila.



Sa video, kita ang lalaking nakahubad, nakatali umano ang ari at sinasaktan.



“Pinahihirapan niya kasi sabi matinik na holdaper daw,” ani Emil.



Ang lalaki namang nakaputi, ayon kay Emil, ay ang hepe umano ng police community precinct sa Asuncion, Tondo, Maynila.



Kita rin sa video ang iba pang pulis habang pinanonood ang pag-torture.



“Pagkakaalam ko iyong pinakamataas iyong si Captain Binayug daw ho. Iyon, siya po iyong nagpapahirap. Siya daw po iyon,” pahayag ni Emil.



Hindi maintindihan ang mga tinig sa video pero malinaw ang isinisigaw ng itinuturong umano’y hepe.



Lalaking nagpapahirap: Dito bawal ang snatcher, ha. Bitaw, Bitaw.



Kitang kita ang hirap na nararamdaman ng umano’y suspek kapag hinihila ang tali na nakakabit sa maselang bahagi ng kanyang katawan.



Kahit namimilipit pa sa sakit ay sinasabayan pa ng hampas ng lubid sa mukha at katawan.


 


Minumura pa at pilit na pinatatanggal ng lalaki ang kamay ng suspek sa kanyang ari.



Lalaking nagpapahirap: Nakakaintindi ka ba? Bakit ayaw mong tanggalin? Bakit ayaw mong tanggalin?



Ungol lamang ang tanging naisasagot ng biktima.



Sa bawat puwersahang paghatak ng lubid, namimilipit ang biktima sa sobrang sakit.



Ayon kay Emil ito na raw ang nakagawiang pagtrato sa mga nahuhuling mga umano’y kriminal.



“Madalas daw ho nangyayari talaga iyan. Lalo na 'pag marami nang umiinit na holdaper. Talagang binibigyan nila ng pansin iyon. Hanggang maaari po wala pong nakakakita para po mayroon silang naa-accomplish,” ani Emil.



Nang tanungin namin si Emil kung nasaan na ang lalaking sinasaktan sa video, “Ang sabi, namatay na raw po dahil pinalabas nga din po... nanlaban po.”


Hindi masabi ni Emil kung kailan nangyari ang insidente at sino ang biktima. Ang tanging pagkakakilanlan ng lalaki ay ang mga tattoo sa kanyang likuran.



Ipinakita namin kina Manila Police District director Chief Superintendent Rodolfo Magtibay at National Capital Region Police Office chief Director Leocadio Santiago ang video.



Papaimbestigahan daw nila ito at ipapatawag ang mga sangkot.



“I’ve gone through physical interrogation before. I’ve conducted it, but not to that extent na medyo sadistic. May boundaries, may parameters iyan, eh,” ani Santiago.



Tiniyak naman ni Magtibay na mas mapapadali ang imbestigasyon kung lilitaw si Emil.



Pero para kay Emil hindi siya nakakasiguro sa kanyang kaligtasan kung siya ay lalabas.



Tanging intensyon lamang niya sa paglalabas ng video ay para matigil na ang hindi makatarungang gawaing ito ng mga pulis. -- Niko Baua, Patrol ng Pilipino