Floods submerge some places in Metro Manila

Posted at Jul 26 2011 11:02 PM | Updated as of Jul 27 2011 11:45 AM

Maaga pa lang, pabugsu-bugso na ang ulan sa Metro Manila.

Mabilis binaha ang Monumento sa Caloocan at bahagi ng McArthur Highway.

Hanggang bangketa naman ang tubig sa Santolan at Dampalit sa Malabon.

Hirap ding daanan ang ilang bahagi ng Maria Clara at Sto. Domingo sa Quezon City.

Bago pa magdeklara ng signal number 1 sa Metro Manila, sinuspindi na ng Department of Education ang pasok sa afternoon shift ng pre-school, grade school at high school.

Ang mga pang-umaga, pinauwi na lang ng maaga.

Nainis tuloy ang maraming magulang.     

“Dapat kanina pa hong madaling araw nila sinabi na walang klase,” sabi ng isang magulong.

“Sasabihin nilang walang pasok kapag nakapasok na ang mga bata. Nakakaabala pa sa trabaho,” sabi pa ng isang magulang.

Ang mga estudyante hindi agad nasundo. Marami ang naghintay ng ilang oras sa eskuwelahan.

“Natatakot po ako kapag tumaas po ang baha,” sabi ng isang mag-aaral.

Nagkansela rin ng klase ang mga unibersidad tulad ng UP Diliman, Ateneo Loyola Schools, De Lasalle, UST, PUP at STI.

Sa dulas naman ng daan, 2 bus at 5 kotse ang nagkarambola sa southbound lane ng EDSA-Ayala tunnel sa Makati bandang tanghali.

Dalawa ang sugatan na isinugod agad sa ospital.

Inabot ng 30 minuto bago naalis ang mga sasakyan kaya ang resulta - matinding trapik sa EDSA.

Pansamantala namang inalis ng MMDA ngayong araw ang number coding at pinag-aaralan pa kung itutuloy ito hanggang bukas,  depende sa forecast ng PAGASA.

Mahigit 30 domestic flights naman ang hindi pinabiyahe ngayong araw.

Kabilang dito ang mga biyaheng Catarman, Legazpi, Naga, Dumaguete at Calbayog.

May mga opisina rin ng gobyerno at pribadong sektor ang nagpauwi nang maaga. Zen Hernandez, Patrol ng Pilipino