EXCL: Pinoy artist gets death threats over 'blasphemous' art

Posted at Jul 22 2011 10:12 PM | Updated as of Jul 23 2011 06:12 AM

Isinumbong ng isang ginang sa XXX ang imaheng ito na naka-display sa Cultural Center of the Philippines.

Isang collage ng mga imahe nina Hesukristo at Mama Mary na pinatungan ng kung anu-anong bagay.

Ang Christ the King na may tenga ng kuneho, crucifix na nilagyan ng kahoy na ari ng lalaki at larawan ng Holy Family, may nakasabit na condom.

Galit na galit dito si Archbishop Oscar Cruz. Itinuturing niya itong matinding pambabastos sa Panginoong Diyos at sa mga Kristiyano.

 “It is not only sick, it is also sickening. Binabastos mo ‘yung pananampalataya ng iba,“ sabi ni Archbishop Cruz.

Ayon naman kay Mideo Cruz, wala siyang nakikitang masama sa kanyang obra.

Pero inamin niyang nakakatanggap na siya ng mga banta dahil dito.

“Tinutuloy ko lang ‘yung mga ginagawa ko. Hindi mo maiiwasan na kapag nagpo-provoke ka o naglalabas ka ng ideya, e may mga tatamaan,” sabi niya.

Sampung taon na umano ang obrang ito at minsa'y na-display pa raw sa isang seminaryo. Nadala na rin ito sa Switzerland, Italya at Amerika.

"Walang sinabi ang mga semenerista at obispo. Tinignan pa nila ito na positive na bagay dahil nagiging paalala ito sa kanila doon sa mga siguro ginagawa nila," sabi ni Cruz.

Nang tanungin kung naniniwala siya sa Diyos, sagot ni Cruz, kailangan ng mahabang usapan ukol dito. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino