Ban sought on texting while driving

Posted at Jul 05 2012 10:40 PM | Updated as of Jul 06 2012 06:40 AM

Nagkalat sa YouTube ang CCTV footage ng bus driver na ito mula Texas, USA kung saan pasimple pa itong sumisilip at nagte-text sa kanyang cellphone na nasa kanang kamay habang nagda-drive, nang biglang sumalpok ito sa isang SUV na nasa harapan.

Ganito rin ang tinitignang dahilan ng aksidente kahapon, kung saan nagte-text umano ang driver ng Don Mariano bus bago ito bumangga at sumampa sa railing ng Ortigas flyover.

Ayon sa National Center for Commuter Safety and Protection, panahon na para tuluyan nang ipagbawal ang pagte-text at paggamit ng telepono sa lahat ng driver.

"For every kind of driver, it should be totally banned. Ang nakasalalay po dito ay buhay ninyo at buhay ng kapwa niyo,” sabi ni Elvira Medina ng National Center for Commuter Safety and Protection.

Panahon na rin umano para lagyan ng CCTV ang mga bus para ma-monitor ang mga nangyayari sa loob nito.

Ayon naman sa grupong Families of Road Victims and Survivors na binuo ng asawa ni Professor Chit Simbulan na biktima rin ng road crash, may pananagutan din ang mga pasahero.

"Kung may mga commuters who are riding these public vehicles at nakikita nila na may ginagawang ‘di tama ‘yung kanilang driver na nagmamaneho, dapat sitahin nila eh, right on the spot, and not wait for something to happen," sabi ni Simbulan.

Hinihikayat din ni Simbulan ang mga pasahero na kunan ng cellphone video ang driver bilang ebidensya.
Ganito rin ang gawain sa ibang bansa, tulad ng driver na ito, na inireklamo matapos makuhanang tumatanggap ng tawag at nagte-text nang sabay.

Ang problema, wala talagang batas laban sa texting while driving maliban sa regulasyon ng MMDA na nagpapataw lang ng P200 sa lalabag nito.

Tanging Quezon City rin lamang ang lungsod na may ordinansa laban dito.

Ipinasa naman sa kamara ang House Bill 4571 o Anti-Mobile Communication Devices Use While Driving Act, pero hinihintay pang dinggin ang katapat nitong bill sa senado. Zen Hernandez, Patrol ng Pilipino