ABS-CBN News

LPG blasts follow fire on truck along Skyway

Posted at | Updated as of 06/27/12 11:57 PM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Hindi pa rin tiyak kung gaano kalala ang pinsala na nadulot ng pagsabog sa Skyway. Kaya naman nagsimula na ang inspeksyon ng mga engineers ng Skyway management kanina.

Sa video na ito na kuha ng CCTV ng South Luzon Expressway (SLEX) makikita ang paglagablab ng apoy sa ilalim ng Skyway dahil sa pagsabog ng mga LPG tank mula sa tumaob na truck sa SLEX.

Dahil sa matinding apoy, natunaw ang mga PVC pipe sa ilalim ng Skyway.

Masuwerte namang first degree burns lang sa kamay ang inabot ng driver at pahinante ng truck matapos nilang buksan ang mainit na pintuan ng sasakyan.

“Noong namamaybay po kami diyan, may nag-overtake po sa aming jeep kasunod po ang bus. Noong maabot po ng bus ang jeep, na-cut po kami papasok. Kumanan po ako... biglang sumabog po ang gulong namin, gumewang na ang truck,” kuwento ni Romulo Ramos, driver ng nasunog na truck.

“Saka lang po kami nakalabas noong umaapoy na,” sabi naman ni Ryan Villanueva, pahinante ng nasunog na truck.

Sa video na kuha ng Bayan Patroller na si Elbert Ng, makikita ang tindi ng pagdila ng apoy sa ilalim ng Skyway.

Sa kuha ni Sarah Quebada mula sa tuktok ng kanilang gusali, kitang-kita ang makapal na usok mula sa nasusunog na truck ng LPG.

Nakunan naman ng video ni Ronald Sobrevinas ang apoy habang nasa loob ng sasakyan.

Maging ang pag-apula ng apoy ay nakunan din ng Bayan Patroller na si Norman Gomez.

Isa naman ang security guard na si Jimboy Magbanua sa mga unang nakakita sa pagsabog.

Nakunan ng ABS-CBN News ang mga bakas ng gulong ng truck na patunay na nagpagewang-gewang ng mahigit 100 metro at nakarating sa pangalawang lane kung saan tumaob ito at tuluyang sumabog.

Kanina, nag-inspeksyon na ang mga engineer ng Skyway para alamin ang lawak ng pinsala ng pagsabog sa kanilang pundasyon at sa mismong kalsada.

“Bumabagsak dito, ito ang mga PVC... iyon ang lalagyan ng tubig kapag umuulan, doon bumababa iyon, and ang mga electrics na nakabalot, iyon ang mga bumabagsak diyan,” sabi ni Luisito Maralit ng Skyway management.

Sa ngayon, isang lane lang muna sa southbound ng Skyway sa bahagi ng Muntinlupa ang pinagagamit sa mga motorista at pinaiiwasan muna ang pagdaan sa ibabaw ng Skyway na naapektuhan ng sunog.

Inaalam pa rin ng Skyway kung sino ang may-ari ng nasunog na truck.

Tiniyak pa ng Skyway management na papanagutin nila ito sa mga pinsala sakaling mapatunayang nagkaroon nga ito ng kapabayaan.

Pansamantala namang inilagay sa impounding area ng Taguig ang nasunog na truck.

Napag-alaman din na umaabot sa 100 ang LPG tank na sumabog kaya tumagal ang apoy kanina.