ABS-CBN News

Floods submerge parts of Metro Manila

Posted at | Updated as of 06/24/11 7:01 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Maingat na dumaan ang titser na ito sa mga upuang pinagtabi-tabi para magsilbing tulay at makaiwas sa di pa rin humuhupang baha sa Polo National High School sa Valenzuela.

Ang estudyanteng si Charmaine Sumala naman, dahil huli na sa klase, nilusong na lang ang baha.

“Sayang ‘yung mga oras na sana nag-aaral kami. Papasok na lang kami kahit baha” sabi ni Sumala.

Kahit binabaha ang paligid ng paaralan at panakanakang bumubuhos ang ulan, itinuloy na ang klase matapos na tatlong araw itong makansela.

Bukod sa bumababaw na ang baha, ilang classroom lang ang pinasok ng tubig.

“Kita mo naman ang mga estudyante, nag-e-enjoy naman sila. Na-miss nila ang klase,” sabi ng gurong si Sophia Quilbio.

Ganito rin ang sitwasyon sa Coloong Elementary School kung saan lubog ang buong covered court.

“Hindi naman affected ‘yung aming rooms, nakataas naman ang dadaanan ng mga bata at meron kaming artificial bridges,” sabi ni principal Remedios Santos.

Ayon sa lokal na pamahalaan, binabaha pa rin ang anim na barangay sa Valenzuela na nasa mababang lugar kaya nagiging tagasalo ng baha.

Sa Malabon naman, abot-tuhod ang baha sa bahaging ito ng Merville Subdivision sa Barangay Dampalit, kaya wala pa ring pasok sa paaralan.
   
Lubog din ang Dampalit Elementary School sa Malabon pero nagdesisyon na ang mga magulang na papasukin ang mga anak nila.

Samantala, sinabi naman ni DPWH Secretary Rogelio Singson na naghahanap pa sila ng pondo para matapos na ang Camanava megadike na siyang solusyon sa pagbaha sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.

Kung wala pa ring tigil ang ulan at lumala pa ang baha, pero wala namang nakataas na storm signal, magdedesisyon na ang mga local na pamahalaan ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na magkansela ng klase.