3 injured in Robinsons Metro East hold-up

Posted at Jun 22 2012 11:16 PM | Updated as of Mar 07 2017 06:54 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Tensyonado pa ang sitwasyon sa paligid ng Robinsons Metro East mall nang datnan ng news team tanghali kanina.

Nagkalat ang mga pulis at mga security guard sa paligid ng mall,    habang tensyonado naman ang mga customer na ang iba ay nakulong sa loob.

"May nakakitang isa, sabi, ‘Putukan, baril!’ sabing ganoon. Sabi ko, ‘takbo tayo,’ eh ang ginawa pinad-lock na lang lahat ng entrance,” sabi ni Tina Castillo, isang customer.
   
Kakatapos-tapos lang pala ng holdapan sa may basement entrance.

Ayon sa imbestigasyon, hinarang umano ng mga suspek na armado ng kalibre 45 baril ang bank teller ng Robinsons Bank at ang escort nitong guwardiya na noon ay papasakay sa kanilang armored vehicle.

Pinagbabaril sila bago kinuha ng mga suspek ang bag na naglalaman ng P550,000. Nabaril din ang isang sekyu na nakabantay naman sa may grocery ng mall.

Kinilala ang mga sugatang sekyu na sina Edwin Nartea at Domingo Flotildes. Agad silang dinala sa ospital.

"Tatlo po ang nasa loob at iyong isa ‘yun ‘yung getaway nila, panglima ‘yung nilipatan nila,” sabi ni Senior Supt. Alfredo Calama-an ng Pasig PNP.
   
Ilang oras makalipas ang holdapan, natagpuan sa Marikina ang isang abandonadong puting Hyundai na iniwan ng tinatayang limang lalaki.

Ayon sa mga testigo, lumipat ang mga ito sa isang van na mabilis namang dumiretso sa direksyon ng Cainta.

"Nag-transfer ‘yung limang tao sa Adventure na grey,” sabi ng isang testigo.

Pinag-aaralan ngayon ng pulisya kung may kaugnayan ang mga suspek dito sa mga nanloob sa Robinsons Galleria mall noong Marso.
 
“Parang ganoon din ‘yung style nila kasi hindi pa nakakalabas ‘yung ano papunta sa armor, inupakan na agad ‘yung guwardiya,” sabi ni Miguel Laurel, hepe nd EDP.

Isa pang iniimbestigahan ng pulisya kung paanong naipasok ng mga suspek ang mga baril sa loob ng mall.

Sa ngayon, tuloy ang pag-iimbestga ng mga pulis. Nagbalik naman na sa normal ang operasyon ng Robinsons Metro East mall.